AMININ natin ang katotohanan, sa panahong ito kaya hindi na masyadong matunog ang OPM ay dahil kulang na kulang sa suporta sa mga local artist natin. Hindi kagaya noong araw na masiglang-masigla iyang Metro Pop Music Festival noong isinusulong pa ni Ka Doroy Valencia at ni Imee Marcos.
Noong araw, lahat ng estasyon ng radyo na miyembro ng KBP ay nagkasundo na sila ay magpapatugtog ng OPM minsan man lang tuwing kalahating oras. Kapag nakalimot ka may multa.
Simula noong mawala si Ka Doroy, at nawala na rin sa poder ang mga Marcos, bumagal na ang pagtutulak sa original Pilipino music. Iyong Popular Music Foundation, hindi na rin namin naririnig simula noong mawala nga si Ka Doroy.
Kaya nga natutuwa kami kung may mga pagkilos para maitaas naman ang ating mga local artist. Natutuwa kami riyan sa proyektong OPM Playlist, isang one day concert na gaganapin sa Araneta Coliseum sa March 1. Pinagsama-sama nila lahat ng matitinik na OPM artists sa isang show.
Isipin ninyo, mapapanood sina Jay Durias ng South Border, Medwin Marfil ng True Faith, at Joey G ng Side A nang magkakasama. Idagdag pa riyan ang iba pang mga sikat ding OPM artists na kasama nila sa nasabing show.
Kailangan natin ang mga ganyang concerts. Kailangan nating suportahan iyan. Dapat tulungan natin ang mga mahuhusay na Filipino artists, hindi iyong mga Koreano pa ang itinutulak natin. Basta dumating iyong mga Koreano na kumakanta ng mga kantang hindi naman natin maintindihan kung ano, nagkakagulo ang mga kabataan. Samantalang may mas magagaling na Pinoy artists na hindi nga lang nabibigyan ng tamang pagkakataon.
Pero sana iyang OPM Playlist concert na iyan ay magpatuloy. May iba pang mga OPM artist na maaari nilang isama sa isang show. Marami ang matutuwa kung gagawin nila iyang isang serye ng concerts. Kailangan natin ang mga ganyang proyekto para maitaas naman ang mga Pinoy artist.
HATAWAN
ni Ed de Leon