NAALIW kami sa pelikulang Kuya Wes nang napanood namin ito recently sa UP Cine Adarna bilang bahagi ng 10th anniversary celebration ng Spring Films na gumawa ng naturang pelikula.
Kilala si Ogie bilang mahusay na singer-comedian-composer, pero kakaiba ang ipinakita niya sa nasabing pelikula.
Ang Kuya Wes ay kuwento ng isang simpleng empleyado ng remittance center na boring ang buhay, na in love nang husto sa customer niyang si Erika (Ina Raymundo) kahit may asawang OFW. Kakaibang love story ito na may sangkap ng comedy at drama.
Ayon nga kay Ogie, nang una niyang nabasa ang script nito ay tawa nang tawa siya rito. Pero ang kurot sa puso ng istorya ang main reason kung bakit nag-decide siyang i-produce ang pelikula katuwang ang grupo nina Piolo Pascual.
Masaya rin siya na ang Kuya Wes ang magpapasimula ng 10th year celebration ng Spring Films.
“I’m so honored. Nakatutuwa naman na pinili pa nina PJ (Piolo) itong movie para sa 10th anniversary nila. So, I’m so happy na kami ‘yung pambungad nila for the 10th year,” saad ni Ogie.
Originally, ang Kuya Wes ay kabilang sa official entries sa Cinemalaya noong isang taon. Magkakaroon na ito ng commercial release at ipalalabas sa mga sinehan nationwide sa March 13, 2019.
Bukod kina Ogie at Ina, kasama rin sa pelikula sina Moi Bien, Alex Medina, Karen Gaerlan, at iba pa. Ang pelikula ay mula sa direksiyon ni James Mayo.
Samantala, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 10th anniversary ng Spring Films na pag-aari nina Piolo Pascual, Direk Joyce Bernal, at Erickson Raymundo, marami silang plano at magagandang project na naka-line up ngayong taon.
Kabilang dito ang mga pelikulang Sunshine Family, I’m Ellenya L. Hayop Ka, UP Project, Istariray is Born, Puppy Love, Marawi, The Bouncer, A Short History of Parking Lots, Ang Araw ng Itim na Nazareno, at Post Angst.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio