TIYAK na ang pagiging No. 1 ni Sen. Grace Poe sa nalalapit na midterm elections sa Mayo makaraang manguna sa limang survey, pinakahuli ang 2019 Pulso ng Pilipino Tracking survey ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER) na isinagawa nitong 4 Enero hanggang 8 Enero 2019.
“The non-commissioned survey was conducted from Jan. 04 to 08, 2019 with some 1,200 respondents eligible to vote in the 2019 senatorial and local elections. The survey has a confidence level of 98% and a margin of error of + 3.5%,” ayon sa ulat ng The CENTER.
Sa mga tinanong, pinili si Sen. Poe ng 63 porsiyento (%) para maungusan si Sen. Cynthia Villar sa natamo nitong 62% sa mga kumakandidatong senador.
Nanguna rin si Poe sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia Research Inc., kaugnay ng 2019 Elections Senatorial Preferences nitong 14-21 Disyembre 2018.
Bago ito, si Poe rin ang No. 1 sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong 12-18 Nobyembre 2018, Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong 7-17 Nobyembre 2018 at halos dikit kay Sen. Cynthia Villar sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong 16-19 Disyembre 2018 kaya nakatitiyak si Poe na magiging topnotcher sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.
Nasa ikatlong puwesto sa The Center survey si dating senador at Rep. Pia Cayetano na may 55% at nanatili sa No. 4 spot si Sen. Nancy Binay sa taglay na 49%. No. 5 si Sen. Koko Pimentel sa natamong 44% samantala nagpantay sa ikaanim at ikapitong puwesto sina dating senador Lito Lapid at Jinggoy Estrada sa 42% at 41%.
Nasa No. 8 spot si Sen. Sonny Angara (39%), No. 9 si Francis Tolentino (33%), nasa No. 10. si dating Philippine National Police chief Bato Dela Rosa (29%), No. 11. Si dating senador Serge Osmeña (27%), at pang-12 si dating Special Assistant to the President Bong Go, (24%).
Para kay political strategist Perry Callanta ng Strategic Training, Organizing and Research Management (STORM) Consultants, malaki pa rin ang batak ni Fernando Poe Jr. (FPJ) sa kandidatura ni Poe lalo sa Visayas at Mindanao.
“May ‘FPJ Magic’ pa rin talaga kaya sigurado ako na magiging topnotcher si Sen. Poe sa nalalapit na eleksiyon,” diin ni Callanta. “Maganda rin ang mga nagawa ni Sen. Poe sa Senado tulad ng pagpapahaba ng validity ng ating mga pasaporte at drivers’ license sa ten years.”
Idinagdag niya na kitang-kita ang lakas ng mahika ni FPJ kung bakit laging nasa Top 10 si dating senador at aktor na si Lito Lapid dahil sa papel niya sa seryeng “Probinsiyano” ng ABS-CBN.
“Maganda ang papel ni Lito Lapid sa ‘Probinsiyano’ kaya lagi siyang pasok sa Top Ten ng mga survey,” ani Callanta.