UNA sa lahat, sa mga ginigiliw kong tagasubaybay, na walang sawang nakatutok sa respetadong pahayagang ito, ang HATAW! D’yaryo ng Bayan, isang mainit na pagbati po ang ipinararating ng BBB — “Maligayang Pasko po at isang mapayapa at masaganang Bagong Taon po sa inyong lahat!
Ilang araw na lamang po mga ‘igan at magwawakas na o mapapalitan na ang taong 2018 ng susunod na taong 2019. Aba’y ano na naman kaya ang magiging kapalaran ng sambayanang Filipino sa pagpasok ng bagong taong 2019 mga ‘igan, na kasabay pa nito’y ang mainit na ‘local’ at ‘national elections,’ na sa ayaw at sa gusto ng taongbaya’y mamimili na naman ng kandidatong tapat at tunay na maglilingkod sa bansa, mayroon pa kayang ganitong klaseng kandidato? Mahiyaing mandarambong, mayroon! He he he…
Sa pag-usad ng araw mga ‘igan, sige rin sa pag-usad ang pasugalan umano ni chairman. Ayon sa aking pipit-na-malupit, sadyang tigasin ang nasabing chairman ng District 1, Tondo, Manila. Mantakin n’yong ilang beses nang inirereklamo at isinusumbong partikular kay S/Supt. Vicente Danao Jr., ang former Davao City police chief, na ngayon ay siya nang bagong chief ng Manila Police District (MPD).
Ang nasabing pasugalan umano ni Chairman Eduardo Dorobo ‘este’ Dabu, partikular sa Zaragosa St. corner Delpan St. ngunit deadma lang si Danao sa isyu…
Sus ginoo!
Ang masaklap dito’y ang likhang dulot sa mga kabataan mga ‘igan. Aba’y natututo nang magnakaw ang mga kabataang nahuhumaling sa nasabing pasugalan para lamang may pangtaya o pangsugal sa saklaang kinahiligan nila! Maging ang mga magulang ng mga kabataang naging sugarol na ay parang hilong-talilong kung kanino o sinong Poncio Pilato sila lalapit upang maisuplong ang mga salarin.
Ngunit, sa rami ng kanilang nilapitang lingkod-bayan, naging bigo at lagi silang bigo, bagkus deadma ang mga animal sa pasugalan umano ni Chairman Dabu!
Ang siste rito mga ‘igan, kamakailan lang, habang may Christmas Party sa barangay hall ni Chairman dorobo ‘este Dabu, sus…sa kabilang-gilid nama’y ang nasabing pasugalan (saklaan) umano ng animal.
And take note mga ‘igan, kaya pala hindi mahuli-huli o sadyang hindi hinuhuli ang nasabing pasugalan ni chairman ay sa dahilang bantay-sarado ng dorobo sampu ng kanyang mga kasabwat ‘este kagawad! E, magkanong dahilan kaya ito’t hindi matinag-tinag ng mga pulis sa Maynila? Ano’t maging si MPD Chief Danao ay deadma sa isyung pasugalang ito ni Chairman Dabu?
Dumako naman tayo mga ‘igan sa District 2 ng Maynila… sa pag-iikot-ikot ng aking pipit-na-malupit, aba’y nasulyapan ang pasugalan ng isa pang astig na chairman, sus ginoo! Talamak na umano ang pasugalang ito ni Chairman Rene Maslog. Aba’y matagal na rin inirereklamo partikular ang ‘pool-an’ ni Chairman, na matatagpuan sa mismong kanto ng Juan Luna St., corner Lerma St., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Ang matindi rito’y laging idinudulog ang mga reklamo sa nasabing pasugalan (pool-an) sa Police Station 7 na siyang nakasasakop dito. Ngunit sa kasamaang-palad deadma lahat ng mga lingkod-bayang nilapitan sampu ng mga pulis ng Maynila at mga puno nila. Hanggang ngayo’y nandoon pa rin ang pasugalan umano ni Maslog. Ayon sa aking pipit-na-malupit, minsan nang nagkagulo rito dahil sa malaking pustahang naganap, pero si Brgy. 186 Chairman Maslog ay deadma lang!
Bulong ng aking pipit-na-malupit…magkano kayang butaw ang natatanggap ni Maslog sa kanya umanong pasugalan? Aba’y kung may katotohanan ang sumbong na ito sa katarantaduhan ni Chairman Maslog, sus ginoo, dapat dito’y bigyan ng leksiyon nang hindi na pamarisan pa ng kapwa n’ya punong barangay, bagkus mamuno na lamang sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng isang maunlad na barangay, tulad ng layunin ng isang Lingkod-bayang Inyong Maaasahan (LIM) sa kalakhang Maynila…
Good luck Mayor!
BATO-BATO BALANI
ni Johnny C. Balani