HINIKAYAT ng Palasyo ang mga residente sa Eastern Samar na ayusin at pagandahin ang kanilang mga tahanan para palakasin ang tinatawag na homestay program.
Ito ay pagbubukas ng mga tahanan sa mga turista para kanilang matuluyan habang nasa probinsiya.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, wala kasing mga hotel sa Eastern Samar kaya karaniwan sa mga ganitong uri ng probinsiya na nagsisimula pa lamang makilala ng mga turista, ay residential houses ang pansamantalang inuupahan ng mga bisita lalo ng mga dayuhan.
Ayon kay Andanar, sa ilalim ng programang homestay, ang mga may-ari ng bahay na gustong magpaupa ay nagpaparehistro sa local government unit.
Kailangan makasunod sa itinatakdang requirements, halimbawa, dapat malinis ang buong bahay lalo na ang banyo, may sapat na suplay ng tubig at koryente, maayos ang ventilation at iba pa.
Karaniwan din sumasailalim sa training ang may-ari ng bahay o caretaker kung paano tumanggap at umistema ng bisita. Madalas ay mga dayuhang turista ang kumakagat sa homestay program na gustong makaranas ng buhay sa probinsiya.
(ROSE NOVENARIO)