NAHAHARAP ngayon sa asunto sa Professional Regulation Commission (PRC) ang isang eye expert na kinilalang si Dr. Emmanuel F. Abesamis dahil sa pagkabulag ng mata ng isang diabetic patient na kanyang inoperahan.
Kaya imbes makakita, naging kaawa-awa ang sinapit ng isang senior citizen na inoperahan ni Abesamis sa catarata.
Hindi lang lumabo kundi tuluyang hindi bumalik ang malinaw na paningin ng kanyang kanang mata. Napalitan ito ng dilim na naging sanhi ng pagkabulag niya sa kamay ng isang doktor sa isang eye clinic sa Maynila.
Sa panayam kay Efren Mendoza Reyes, 62-anyos, residente sa Caridad, Cavite City, nabatid na sumailalaim siya sa operasyon noon pang 10 Oktubre 2017 sa Manila Eye and Surgical Center Inc., na matatagpuan sa 2nd Floor, Endriga Bldg., Taft Ave., Malate, Maynila.
Ang nagsagawa umano ng operasyon ay si Dr. Abesamis.
Ipinagtataka ng pasyenteng si Reyes na kahit alam ni Abesamis na may sakit siyang diabetes hindi siya isinailalim sa ilang examination bago operahan. At lalo pang nag-aalala si Reyes nang pagkatapos ng operasyon ay hindi na makakita ang kanyang kanang mata.
Nang sabihin niya ito kay Dr. Abesamis, ang sagot ay maghintay umano nang dalawang linggo at muling babalik ang paningin ng kanyang mata.
Pinayuhan din umano siya na bumalik sa klinika isang linggo matapos ang operasyon upang ma-check-up.
Makalipas ang isang linggo, muling nagbalik si Reyes kay Abesamis, at dahil namamaga pa ang kanang mata niresetahan siya ng gamot para ipatak sa inoperahang mata.
Pagkaubos ng iniresetang pamatak sa mata, walang pagbabago sa kanang mata ni ni Reyes kaya muli siyang nagbalik kay Abesamis noong nakalipas na Nobyembre 2017, pero inabisohan lamang siya na ituloy ang gamot na ipinapatak sa inoperahang mata.
Muling bumalik noong 27 Nobyembre 2017 si Reyes sa klinika at sa ikalawang pagkakataon ay pinayuhan muli na ipagpatuloy ang nasabing gamot hanggang makakita ang kanang mata ni G. Reyes
Petsa 1 Pebrero 2018 nang muling bumalik si Reyes sa klinika ni Dr. Abesamis, at doon ay sinabihan siya ng doktor na ang dahilan ng pagkabulag ng kanyang kanang mata na inoperahan ay dahil pumutok na umano ang glaucoma at tuluyan nang nabulag ang kanyang kanang mata.
Sa salaysay ni Reyes, habang nawalan ng paningin ang kanang mata ay tumaas ang kanyang blood sugar at siya ay naospital noong nakalipas na Disyembre 2017 dahil nahirapang huminga.
Nabatid rin kay Reyes na noong 16 Pebrero 2018 ay may pumunta sa kanilang bahay na nagpakilalang empleyada ng Manila Eye Center upang kumustahin at tanunging ang kanyang kalagayan na nagpakilalang alyas “Yeth.”
Tinanong umano ni alyas Yeth si Reyes kung tumataas ang blood sugar niya at kung may sakit sa puso. Labis na ipinagtataka ni G. Reyes na bakit huli na ang pagtatanong? Dapat bago siya inoperahan ay doon inalam ang kanyang history. Ang kanyang blood sugar ay alam ng doktor na mataas dahil sinabi niyang diabetic siya.
Dahil sa pangyayari, nagsampa ng kasong gross negligence or dishonorable conduct si Reyes laban kay Abesamis sa tanggapan ng PRC noong 6 Marso 2018.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ang kasong isinampa ni Reyes ay natutulog sa tanggapan ng PRC sa hindi malamang kadahilanan.
Humihingi ng hustisya ang misis ni Reyes na si Mrs. Lilibeth na sana ay mabigyan ng aksiyon ang pagkabulag ng mata ng kanyang mister sa kamay ni Abesamis.
Posible rin na marami pa siyang mabiktima kung paulit-ulit niyang ginagawa ang ganitong sistema.
Paging PRC!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap