NAROON kami noong Christmas party ng SPEEd, o Society of Philippine Entertainment Editors. Iyan ang samahan ng mga entertainment editor ng mga lehitimong diyaryo. Kung hindi lehitimo ang diyaryo mo, wala ka riyan.
Iyan ang isang award giving body din na dinadaluhan namin ang mga okasyon, kasi alam namin na iyang SPEEd, iyan ang nagbibigay ng awards na hindi “nabibili”.
Subukan mong suhulan ang mga miyembro ng SPEEd kung hindi masampal ka pa. Hindi iyan kagaya ng iba na nagso-solicit ng “sponsors”.
Masaya iyong Christmas party ng SPEEd, kasi ang naroon ay mga magkakaibigan lamang. Naroroon din ang sinasabi nilang “people who matter,” hindi mga kung sino lang. Wala silang stars. Hindi rin naman sila dinadagsa ng starlets. Maririnig mo ang mga usapan, kung paano ang gagawin para mas maging propesyonal ang paghahatid ng entertainment news, at kung ano ang makabuluhang opinion, hindi kagaya sa iba na ang maririnig mo ay kung sino ang magbibigay ng “relevance”.
Hindi naman sa nilalait namin iyong iba, pero nakikita kasi namin ang kaibahan talaga niyong mga propesyonal na peryodista, kaysa roo sa mga nasa diyaryong hotoy-hotoy lamang.
Maaga ang naging Christmas party ng SPEEd simula noong mawala si Kuya Germs, sila na ang laging nauuna.
HATAWAN
ni Ed de Leon