HALOS 10,000 guro ang maaapektohan kung tuluyang ipatutupad ng Commission on Higher Education (CHED) ang pinagtibay ng Korte Suprema na Memoramdum 20 na nag-aalis sa Panitikan at Wikang Filipino sa kolehiyo.
Mariin itong tinutulan ng Tanggol Wika at ng ACT Teacher Party-list kaya nagsumite sila sa Korte Suprema ng motion for reconsideration sa kataas-taasang hukuman at humiling na magsagawa ng oral argument upang muling mapag-usapan ang naturang isyu.
Inilinaw ni David Michael San Juan, convenor ng Tanggol Wika, ang pagtatanggal ng wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, hindi lamang magpapababa sa kaalaman ng mga mag-aaral sa usapin ng wika kundi nagpapakita rin ng kawalan ng paggalang at pagmamahal sa bayan.
Ayon sa ACT Teachers party-list, naghahanda na ang Makabayan bloc na magsumite ng petisyon na magkaroon ng mandatory 9 units sa kolehiyo ang mga mag-aaral upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang pagpapalawig ng kaalaman sa sariling wika.
Sinabi ni Rep. France Castro ng ACT Teachers party-list, bagama’t may tinatawag na general subject pa rin sa kolehiyo o yaong mga subject na hango sa high school o dala-dala at itinuturo hanggang kolehiyo gaya ng Math, English at Science, ang Filipino at Panitikan bilang bahagi ng general subject ay dapat rin ipagpatuloy.
Hindi anila makokompleto ang basic subject kung maiiwan ang sariling wika na magpapabilis upang umunlad at magkaunawaan ang bawat Filipino.
Diin ng Tanggol Wika, nakadetalye sa kanilang mosyon kung ano ang kaibahan ng pagtuturo sa sekundarya at kolehiyo sa usapin ng Panitikan at wikang Filipino.
Ayon kay San Juan, nangangamba ang grupo kung magiging optional sa bawat paaralan ang pagtuturo ng wikang Filipino at Panitikan, o tuluyan nang mawawala sa kolehiyo. Nitong 9 Oktubre, pinagtibay ng Korte Suprema ang CHED Memorandum Order No. 20 na naglilimita sa General Education Curriculum sa minimum na 36 units na ang epekto ay pagtatanggal ng Wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo. (BONG SON)