NAPANOOD namin sa telebisyon iyong restored copy ng orihinal na Panday ni FPJ. Maganda ang pagkaka-restore. Sa natatandaan namin, dahil napanood namin iyan mismo sa sinehan halos apat na dekada na ang nakaraan, dahil 1980 noong ipalabas iyan eh, mukha ngang mas maganda pa ang quality ng kulay sa restored version kaysa original film.
Kasi nga sa restored version, nailalagay nila sa ayos pati ang kulay, hindi kagaya niyong araw na hindi mo naman talagang magagawa iyan sa pelikula. Ngayon kasi video na iyan. Digital na eh.
May sinasabi sila na nai-restore na rin ang isa pang klasikong pelikula ni FPJ, iyong Aguila, na ginawa rin ng movie king noong 1980, at itinuring ngang isang klasiko, at posibleng siyang pinaka-malaking pelikulang Filipino na nagawa na. Apat na oras ang pelikulang iyon na idinirehe ng national artist na si Eddie Romero. Iyan ang talagang klasiko, dahil dalawang national artist ang magkasama sa pelikula.
Ewan kung totoo ngang restored na iyon at kung kailan ipalalabas. Ang hindi lang maganda, puro sila restoration pero basta naghahanap ka naman ng video copy, wala.
HATAWAN
ni Ed de Leon