NANAWAGAN ang ilang grupo na ibaba ang pasahe at presyo ng mga bilihin kasunod nang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ikalimang sunod-sunod na linggo.
Naghain nitong Lunes ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa Land Trans-portation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng petisyong ibalik sa P8 ang pasahe sa jeep dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Nais po naming ibalik sa P8… alam naman po natin na bumubuti na po ang kalagayan sa pandaigdigang pamilihan ng petrolyo,” ayon kay UFCC president RJ Javellana nitong Martes.
Sa ilalim ng petisyon, ikinatuwiran ng grupo ang pagsuspende sa nakatakdang dagdag-buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, at ang pahayag ng Transportation department na huwag munang ituloy ang fare hike, bilang mga dahilan para sa bawas-pasahe.
Ayon kay Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, dapat puwersahin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante na bawasan ang presyo ng kanilang mga produkto kasunod ng rollback.
Batay sa kaniyang tantiya, nasa 10 hanggang 13 porsiyento ang natitipid ng mga negos-yante sa delivery ng kanilang mga produkto nang magsimula ang mga bawas sa presyo ng langis.
Sabay-sabay nagtapyas ang mga kompanya ng langis ng presyo sa kanilang produktong petrolyo, katulad ng P2.30 kada litro sa gasolina, P2 kada litro sa diesel, at P1.85 kada litro sa kerosene, nitong Martes.
Ito na ang pinakamalaking halaga ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa loob ng limang linggo.
Habang nagpatupad ang mga kompanyang Phoenix Petroleum at PetroGazz ng P2.50 kada litrong bawas sa presyo ng kanilang gasolina, at bawas na P2 kada litro sa diesel.
Ngunit kontra ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa hirit ng tapyas-pasahe.
Paliwanag ni FEJODAP president Zeny Maranan, matagal na ang hirit nilang dagdag-pasahe ngunit ngayon lang napagbigyan.
Dagdag niya, may mga tsuper pa ring hindi pa nakikinabang sa dagdag-pasahe dahil hindi pa sila nakakukuha ng fare matrix.
Ngunit kung ibabalik aniya sa P39 per liter ang presyo ng krudo, doon na magiging bukas ang kaniyang hanay sa hirit na fare rollback.
Mula nitong Martes, naglalaro sa P7.70 hanggang P7.80 ang halaga ng tinatapyas sa presyo ng gasolina, P5.05 kada litro hanggang P5.15 kada litro sa diesel, at P4.25 kada litro sa kerosene.
Sinabi ni LTFRB Board Member Aileen Lizada, prayoridad nila ang petisyon ng UFCC dahil 45 milyong commuter ang apektado ng fare hike.
HATAW News Team