WALANG naganap na public hearing at hindi rin kinonsulta ng korte ang mga grupong eksperto sa wikang Filipino.
‘Yan ang ilan sa rason kung bakit iaapel ng grupong Tanggol Wika ang desisyon ng Korte Suprema na nagtatanggal sa Filipino at Panitikan bilang “core subjects” sa kolehiyo.
Sinabi ni David Michael San Juan, convener ng grupo, importanteng mapanatili ang dalawang subject sa kolehiyo, lalo’t maraming dapat talakayin ukol sa wika at panitikan sa mas mataas na antas.
“Sabi nila, dahil mayroon na sa senior high school, elementary, at high school, puwede na raw iyon. ‘Yun din ang pinakinggan ng Supreme Court,” ani San Juan.
“Maraming bagay na mataas na antas ng diskurso na mas sa college matatalakay. Kagaya ng mga isyu sa lipunan, research sa sariling wika, sa college ‘yun mas magagawa,” dagdag niya.
Noong Abril 2015 pansamantalang ipinatigil ng Korte Suprema ang CHEd Memorandum Order No. 20, na nagtatanggal sa Filipino at Panitikan bilang core subjects sa kolehiyo.
Tinanggal nila ang temporary restraining order nitong nakaraang linggo matapos ideklara ng korte na konstitus-yonal ang “K to 12 program.”
Babala ni San Juan, aabot sa 10,000 guro ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo ang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa naging desisyon ng korte.
“Wala pa sa amin ‘yung kopya [ng desisyon] mula sa Supreme Court. So hihintayin namin ‘yung kopya bago kami mag-file ng motion for reconsideration,” ani San Juan.