TILA nabuksan ang isang “can of worms” nang magsampa ng demanda si Gretchen Fullido laban sa producer ng TV Patrol na kinilalang si Cheryl Favila na kung tawagin nila ay si “Chair” at sa segment producer na si Maricar Asprec. Sinasabing ang dalawang babae ay “may relasyon.”
Sinabi ni Fullido na ang ginagawa sa kanyang sexual harassment ay may tatlong taon na niyang tinitiis, hanggang sa magsampa na nga siya ng reklamo sa management ng ABS-CBN. Nag-imbestiga naman ang kompanya. Hindi nila ipinilit ang bintang na sexual harassment, ngunit sinabi nilang nagkamali nga si Favila sa kanyang ginawa. Umalis na si Favila sa TV Patrol dahil sa “health reasons.” Pero ngayon may nagsasabing napilitan siyang umalis bilang producer ng programa dahil sa kinalabasan ng imbestigasyon ng ABS-CBN.
Hindi lamang daw iyon pagpaparinig, umano hinihingan ni Favila ng isang sex video si Fullido, kaya talagang nagsampa na siya ng kaso.
Sa panig naman nina Favila at Asprec, sinabi ng kanilang abogado na walang matibay na batayan ang demanda ni Fullido at sinabi niyang iyon ay panggigipit sa LGBTQ. Nanawagan pa siya sa mga bakla at tomboy na suportahan sina Favila at Asprec, dahil sinabi nga niyang iyan ay isang panggigipit sa mga taong may naiibang sexual preference.
Nasa Korte na iyan, hayaan nating ang korte ang magdesisyon. Huwag nating pangunahan ang hukuman. Ang ABS-CBN naman ay walang pakialam. Bagama’t nangyari iyon sa loob ng kanilang network, wala silang pananagutang legal sa mga pangyayaring iyan.
Pero ang masakit, dahil sa lumabas na iyan, may mga tao ngayong nagsasabing dapat na magkaroon nang mas malawak na imbestigasyon. Nangyari iyan sa news, hindi imposibleng may ganyan din sa entertainment. Nagreklamo ang isang babae laban sa mga lesbiana. Hindi malayong mayroon ding mga lalaking may reklamo rin laban sa mga bakla, wala nga lang lakas ng loob.
May panahong nagdemanda rin ang singer na si Gerald Santos laban sa isang baklang nakasama niya noon sa GMA 7, pero nang tumagal nawala na rin ang kasong iyon. May panahon ding si Mike Tan ay nagreklamo laban sa isang director na nagtangkang humalay sa kanya sa taping ng isa nilang serye. Natanggal ang director sa serye, pero hanggang doon lang.
Siguro nga panahon na para tingnang mabuti kung hanggang saan ang nagaganap na sexual harassment sa showbiz, para masugpo na ang masamang gawang iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon