NAIS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pigilan ang pagtakbo sa halalan sa 2019 ng mga lokal na opisyal na sinabing kasama sa ‘narco-list’ ng gobyerno at mga sangkot sa kasong korupsiyon.
Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, may 93 lokal na opisyal sa drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Limampu’t walo raw rito ay mga mayor.
Nangangamba si Año na maaaring magsagawa ng vote buying sa bisa ng drug money, o perang nakukuha sa mga drug operations na kinasasangkutan umano ng mga lokal na opisyal, sa darating na halalan.
“Ang danger kasi riyan kung talagang involved sa drugs at ginagamit nila ang drug money para manalo at bumili ng boto,” aniya sa press conference nitong Martes.
Balak din ng DILG na isama sa kanilang rekomendasyon ang 250 pang lokal na opisyal na iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Irerekomenda raw nila ito sa Commission on Elections (Comelec).
“There are so many local government treasurers that are being summoned, as well as local chief executives, para mag-explain, from there we will determine if we have a strong case, then we will file a case sa Ombudsman,” aniya.
Sa pag-aaral ng DILG noong 2013, nasa P30 bilyon ang nawala dahil sa korupsiyon sa hanay pa lamang ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay DILG for Operations Undersecretary Epimaco Densing III, umakyat sa halos P70 bilyon ang nawawala dahil dito kada taon, bagay na magagamit daw sana para mabawasan ang kahirapan sa bansa.
“As of today, ang estimate, nasa P70 billion a year ‘yan, kasi ang korupsiyon sa local level business as usual… ‘yung P70 bilyon kung ginamit mo nang tama sa tao it could reduce poverty incidence by 1.5 percent.” sabi ni Densing.
Ngunit hindi sumang-ayon ang Comelec sa binabalak ng DILG at sinabing hindi sapat na batayan ang pagkakasama sa drug list o pagkakadawit sa korupsiyon para hindi payagan ang taong gustong tumakbo sa halalan.
“Being on the drug list or being suspected of corruption is not on the list of justifications for disqualification,” ani Comelec spokesperson James Jimenez.