PINANGANGAMBAHAN ng mga negosyante at residente sa Boracay ang pagbagsak ng kanilang kabuhayan sa mga ‘iskema’ na planong ipatupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Tutol sila sa panukalang “access bracelets” at “data base registration” para sa mga lokal at dayuhang turista na planong ipatupad ng DENR sakali raw na maaprobahan bago ang muling pagbubukas ng Boracay sa October 26.
Panukala ng DENR na sapilitang ipasuot ang access bracelets sa lahat ng tao at mga turistang bibisita roon sa Boracay.
Kesyo ang access bracelet ay high tech na parang pre-paid load sa cell phone at maaaring gamitin sa mga transaksiyon at panggastos ng turista habang nasa Boracay.
Wow! High-tech, ano po? Kumbaga sa cell phone ay pre-paid ang load, hindi pa man ginagamit ay gusto nang kunin ng mga damuho ang pera mo.
Daig pa ang panahon ng Hapon at Martial Law sa sobrang paghihigpit na bawat kilos at galaw ng mga tao ay parang mga robot na naka-monitor sa access bracelet na walang ipinagkaiba sa ipinasusuot sa paa ng mga may kasong kriminal at under house arrest sa Estados Unidos ng Amerika.
Sino pa kayang sira-ulong turista na uto-uto ang gagastos na pumunta sa Boracay kung pagsusuotin lang pala sila ng access bracelet para magmukhang aso, aber?
Parang alam ko na kung sino ang dakilang ‘twat-chat’ at utak na nagtutulak sa malaking kalokohang proyekto na ito ng DENR.
DENR Sec. Roy Cimatu, ingat kayo baka maisahan ka, lingon-lingon din sa paligid ‘pag may time!
PANGANGAMKAM SA NEGOSYO GUSTONG MAGING KASOSYO
TULAD din natin, ang suspetsa ng mga residente ng Boracay sa naturang iskema, may gustong kumita sa maitim na balakin ng DENR kahit maraming masasagasaan at maprehuwisyo ang pinagkakakitaang turismo sa bansa, ang sabi:
“Visitors would feel like intruders rather than guests. This is also not feasible to implement and somebody could make money [from] this [access card],” another resident said.
Hirap na ang mga residente sa pagkawala ng kanilang kabuhayan sa araw-araw, daing nila:
“This is too much. Many residents here are struggling to meet their daily needs because of the loss of livelihood. Now, they want us to get and pay for another identification or access card?”
Bukod sa business at working permits mula sa lokal na pamahalaan ay may mga kaukulang ID rin pala sila mula sa barangay, kaya’t ang tanong nila:
“How many times do we have to prove that we are residents here?”
May nagsasabing posible rin na sadyang pinasisikip at pinahihirap ang mga “overkill” na rekisitos para mabuwisit ang mga residente at datihang negosyante sa Boracay.
“Marahil ay may mga nagbabalak na makamkam ang mga negosyo sa mga residente at datihang negosyante sa Boracay,” sabi ng isa sa masusugid nating mambabasa.
Hindi rin imposibleng may mga investor na nakapaghatag na ng salapi sa isang DENR official na masiba kapalit ng pangakong mabibigyan ng puwesto para sa nais na itayong negosyo sa Boracay.
Sa kung sinong nakaisip ng kagagohang ito sa DENR mas nababagay ipasuot ang access bracelet para namo-monitor ng administrasyon ang kanilang mga lakad at madiskubre kung sinong mga sindikato ang kanilang katransaksiyon sa nasabing proyekto.
Parang alam ko na kung sino ang dakilang “twat-chat” at utak na nagtutulak sa malaking kalokohang proyekto ng DENR.
Ang tinutukoy natin ay nagpapayaman nang walang puhunan at eksperto rin mangamkam sa negosyo na pinagpaguran ng iba.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid