BINAWIAN ng buhay ang isang 11-anyos Wushu Taolu junior athlete at miyembro ng Philippine team, nang mahulog mula sa tinutulugang double deck sa Philippine Center for Sports Medicine Building, Rizal Memorial Sports Complex sa P. Ocampo St., Malate, Maynila, kamakalawa.
Isinugod sa Adventist Medical Hospital ngunit nalagutan ng hininga ang biktimang si Rastafari Daraliay, residente sa Block 7, Lot 7, Happy Homes, Phase 2, Tandang Sora, Quezon City.
Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:00 am natutulog ang biktima sa upper deck ng kama sa Room 8 nang bigla siyang mahulog.
Base sa salaysay ng kasamahang atleta, nagulat siya nang marinig ang isang malakas na kalabog at nang alamin kung ano ang nangyari ay nakitang nakahandusay sa lapag ang biktima.
Hindi inakalang matindi ang naging pinsala sa nangyari kaya tinulungan na lamang nila ang biktima na makahiga sa mas mababang higaan at saka ipinagpatuloy ang pagtulog.
Dakong 8:00 am ay isinugod sa pagamutan ang biktima nang makitang bumubula ang kanyang bibig.
Agad inasikaso ng mga doktor ang biktima at nilunasan ngunit bigo silang maisalba ang kanyang buhay.
Nagsasagawa ng masusing imbestigas-yon ang pulisya upang masigurong walang nangyaring foul play sa insidente.
(BRIAN BILASANO)