WALANG kaabog-abog na natimbog mga ‘igan si Senator Antonio Trillanes IV, sa inilabas na ‘arrest warrant’ at ‘hold departure order’ ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150, pabor sa hiling ng Department of Justice (DOJ). Si Ka Antonio’y inaresto kaugnay sa kasong rebelyon. ‘Ika nila’y ang pag-aresto kay Ka Antonio’y may warrant, kaya’t hayun, patunay umano ito ng paggulong ng justice system sa bansa.
Sa pagkakatimbog mga ‘igan, agad-agad sumailalim si Trillanes sa booking procedure at kinuhaan ng mugshot (na talaga namang poging-pogi ang dating he he he…) at fingerprints sa Makati police.
Sa pagkakaaresto kay Sen. Trillanes, aba’y kaliwa’t kanan mga ‘igan ang nagkukuwestiyon! Nandiyan ang ilang kapwa niya Senador. Binatikos din ng ilang mambabatas at mga grupo. Ang sigaw nila’y ang pagpapaaresto kay Trillanes ay tunay na nagpapahayag umano ng panggigipit sa mga kritiko ng pamahalaan. Panawagan din nila, tama na, at sobra na umano ang pananakot at intimidasyon ng administrasyon!
At habang nag-aaway-away mga ‘igan, aba’y ang mga pangunahing isyu ng taong bayan ay sadya umanong nababalewala’t naiiwan sa ere! Hayyy naku!
Ngunit sadya nga bang magkapareho mga ‘igan, para umano sa mga Senador kulong ka dahil kumontra ka at para naman sa mahihirap patay ka dahil nanlaban ka? Tunay kayang kawalan ng hustisya ito partikular sa mahihirap sampu ng mga Senador?
Isip-isip mga ‘igan…
Kung ating babalikan mga ‘igan, ang pagdinig sa kasong rebelyon ni Sen. Trillanes ay nahinto noong 2011. Ano’t itutuloy ito?
“Pitong taon na ang nakalipas, ito ay maliwanag na pang-iipit ni Mr. Duterte. Nanaig ang kadiliman at kasamaan dito sa ating bayan,” panggigigil ni Trillanes.
Sadya nga bang paggigipit ito ni Ka Digong kay Ka Antonio?
“Officially, wala na po tayong demokrasya. This goes beyond me. Kung inyo pong nakikita, wala po akong krimen na ginawa kasi nabigyan nga ako ng amnesty,” paliwanag ni Trillanes.
Oooppps! Wait, may demokrasya, may ginawa ka umanong krimen at nawala ito dahil pinagkalooban ka ng amnesty mukhang nagka-amnesya, he he he…
Ganoon pa man mga ‘igan, matapos buksang muli ang dati niyang kasong rebelyon…hayun nga at timbog si Trillanes. Sa pagkakatimbog kay Trillanes, naglagak ang kanyang kampo ng halagang P200,000 piyansa para sa kasong rebelyon.
“As the President has said, we will respect the decision of the judiciary. Whatever Senator Antonio Trillanes IV has to say can be addressed to the court,” ani Presidential Spokesman Sec. Harry Roque.
Correct ka d’yan ‘igan! Sa korte na nga lang ang lahat, “Let us stop the drama by presscon and allow the legal process to take its course,” dagdag ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque.
BOW! He he he…
Bagamat balik lungga (Senado), aba’y good luck pa rin kay Ka Antonio Trillanes IV sa kanyang landas na tatahakin sa demokratikong pamamaraan.
Abangan ang kasong Kudeta…
DILG USEC. DIño TUTULOG-TULOG
Tuloy-tuloy pa rin mga ‘igan ang ‘clearing operation’ ng MMDA, sa panguguna ni MMDA Chairman Danny Lim. Aba’y very good! Ngunit sa kasamaang-palad, kasabay nito’y ang pag-alagwa rin ng mga tiwaling lingkod-bayan! Sige sa pag-arangkada ng katarantadohan sa kanilang lugar, lalo ang mga punong barangay sampu ng kanilang mga Kagawad. Hayyy naku, kailan kaya matutuldukan ang katarantadohang ito?
Tulad na lamang itong matagal nang inirereklamong ‘obstruction’ na ‘poolan’ sa Juan Luna St., kanto ng Lerma, Gagalangin, Tondo, sakop ni Brgy. 186 Zone 16 Chairman Rene Maslog. Aba’y talaga namang nasa bangketa na ang nasabing ‘pool’ na naging tambayan ng masasamang elemento sa lipunan. Idagdag pa ang pustahang nagaganap sa nasabing ‘poolan.’ Deadma lang si Che Maslog.
Aba’y paging DILG Secretary Eduardo M. Año, papatay-patay po itong si DILG Undersecretary Martin Diño, deadma sa mga reklamo at problemang pang-barangay, tulad nitong ‘pool.’ Maging ang dating reklamo ng mag-inang ‘Jennifer Adajar’ na dumulog pa sa kanyang tanggapan, deadma rin hanggang sa ngayon.
At ang kagagohan umano ni Brgy. 699 Zone 79 Chairman Edwin ‘Amo’ Chan, sa mga nagkalat na mesa sa lansangan pagsapit ng dilim d’yan sa Malate, Manila. Nawa’y maaksiyonan ito ASAP at masampolan ang mga tampalasan.
Go go go DILG Secretary Eduardo M. Año!
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani