SA LUMABAS na Pulse Asia survey kung sino ang posibleng makapasok sa magic 12 ng senatorial bets, anim na babae ang nakapasok dito — ang mga reelectionist na sina Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay; ang dating senador at ngayon ay Taguig Rep. Pia Cayetano; at mga “new players” na sina Davao City Mayor Sara Duterte at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Kung tutuusin, maganda ang lineup ng magic 12 kung patuloy na mananatili hanggang sa huli ang pangalan ng mga babaeng posibleng lumahok at manalo sa Senado sa darating na 2019 midterm elections.
Sakaling makapasok nga ang walong iyan, lalo pa kung tutuloy na nga ang anak ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na si Sara, kahit paano ay mas magiging malakas na ang boses ng mga kababaihan sa Senado.
Sa kasalukuyang Kongreso, limang babae ang mayroon sa Senado at nakakulong pa ang isa, si Senador Leila de Lima, habang huling termino na ngayon ni Senador Loren Legarda. Kaya kung tutuusin, dalawa na lang ang matitira sa 2019 si Hontiveros at De Lima.
Alam naman natin lahat na palaging nadodomina ng kalalakihan ang Kongreso — mapa-Mababang Kapulungan man ‘yan o Senado, kaya isang malaking development sa sektor ng mga kababaihan sakaling dumami nang konti ang representasyon nito sa legislative body.
Umaasa tayo na mas magiging matimbang pa ang pangalan ng mga babae na lalahok sa darating na halalan, at nananalig na mananalo rin upang kahit paano ay maging balanse ang representasyon nito sa Kongreso para maipaglaban ang kapakanan at karapatan ng kanilang mga kabarong kababaihan.