KUNG mayroong isang bagay na labis na ikinatutuwa ng mamamayan, at ikinaiinis naman ng oposisyon, ito ay walang iba kundi ang kampanya ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte laban sa ilegal na droga.
Matindi pa rin ang suportang ibinibigay ng publiko sa gerang inilunsad ni Digong laban sa droga, kahit may pag-amin siyang ginawa kamakailan na hindi niya kayang solusyonan ang problemang ito kahit pa hanggang matapos ang kanyang termino. Ito ay base na rin sa survey na ginawa ng Social Weather Station na nagsasabi na walo sa 10 Filipino ay kontento sa gerang isinasagawa ng gobyerno.
Nangangahulugan na pabor na pabor ang publiko sa kampanyang ito ni Digong, na alam naman natin na labis na kinasusuklaman ng mga taga-oposisyon, hindi naman dahil sa ayaw nilang malupig ang mga dealer at pusher ng droga, kundi sa paraan kung paano ireresolba ito na kadalasan ay nauuwi sa paglabag sa karapatang pantao.
May magandang bagay pa rin palang nagagawa ang administrasyon ni Digong, at may tinutupad pa rin pala siyang pangako – ang solusyonan ang problema sa droga, bagamat hindi nga raw ito matatapos sa madaling panahon.
Gayonman, isang bagay ito na dapat ipagmalaki ng gobyerno ni Digong at siyang maging motibasyon nito na ituloy ang laban kahit pa maraming kumokontra.
Pero hindi naman siguro tama na rito na lamang ilaan ang lahat ng lakas at oras ng gobyerno.
Napatunayan ng pamahalaan na tama ang ginagawa nito kontra droga, pero posible naman siguro na ituon na ngayon ang pokus nito sa usapin na mas malapit sa bituka ng bayan — ang presyo ng mga bilihin!