Monday , December 23 2024

Demolition job vs. BOC exec sa “P6.4-B shabu shipment”

NABABALOT nang malaking misteryo ang kontrobersiyal na pagta­talo sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng apat na magnetic lifters na naglalaman umano ng P6.8 billion shabu na natagpuan noong naka­raang buwan (August) sa Gen. Mariano Alva­rez, Cavite.

May “demolition job” palang inilarga laban sa isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) para ilihis palayo sa mga dapat managot ang naman­tsahang kampanya ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte at ng kanyang administrasyon laban sa ilegal na droga.

Kapansin-pansin nga naman ang pinondo­hang paninira para pasamain ang veteran career Customs official na lumabas sa ilang tabloid.

Madali nga naman mahalata na ang pakay ng inilunsad na demolition job sa media ay para itaboy palayo kay Commissioner Isidro Lapeña at sa kanyang magagaling na alipores na hindi mag­kandatuto kung paano ipaliliwanag ang nakalusot na P6.8-B shabu shipment sa Customs.

Ang sinisiraang Customs official ay kilalang palaban at sa pagkakatanda natin ay minsan nang naging biktima ng mga maling paratang, sukdulang pati personal na buhay kahit wala namang kaugnayan sa kanyang trabaho ay idinamay at kinaladkad sa media.

Noong una, ang paninira sa nasabing opisyal ay nag-ugat sa nabigong smuggling ng mga chemical na sangkap sa paggawa ng shabu, habang siya ay nakadestino sa isang malayong port ng Customs sa Mindanao.

Sangkot sa tangkang pagpuslit ng mga chemical na gamit sa paggawa ng shabu ang isang maimpluwensiyang Tsekwa na kanyang kinasuhan.

Pero hindi nagtagal, nabasura sa Department of Justice (DOJ) ang isinampa niyang kaso dahil ang damuhong Tsekwa ay hindi lang basta kilalang malapit na kaibigan kung ‘di may hawak pang titulo bilang adviser o tagapayo pa ng noo’y nakaupong pangulo.

Ngayon naman, ang paninira sa kanya ay bunsod ng kanyang paniwala na responsableng managot sa P6.8-B shabu smuggling ang isang mataas na opisyal ng Customs at mga alipores.

Wala namang kinalaman sa puwesto ng sinisiraang opisyal para idawit sa P6.8-B shabu shipment, pero bakit kailangan gastosan ang demolition job sa media?

Sinasabing rason sa inilunsad na demolition job ang naging pahayag umano ng career official na tumutugma sa bersiyon ng PDEA sa P6.8-B shabu na ipinalaman sa magnetic lifters.

Bakit, may dapat bang pagtakpan sa malaking bulilyaso, Gen. Lapeña?

Kahit naman sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs, kamakailan lang, ay lumitaw sa mga ipinakitang larawan na kuha ng X-ray scans ang bakas na may nakapalaman sa magnetic lifters na pinayagang mailabas sa Customs.

Kombinsido rin ang mga mambabatas na nag-iimbestiga sa Kamara, ang sabi:

“We cannot have any other conclusion [other than] ‘yung apat na magnetic lifters na ‘yun, tulad ng sinabi ni General Aquino, ay punong-puno ng shabu.” 

Sentido-kumon lang, normal ba na buksan at sirain ang apat na magnetic lifters na natagpuan ng PDEA sa Cavite kung wala namang kukunin sa loob?

Hindi ba’t kaya nakuha ang mga shabu sa magnetic lifters ay binuksan din ng Customs ang nahuli sa Manila International Container Port (MICP) na kaparehong-kapareho ng natagpuan sa Cavite?

Naubos na marahil ng mga adik ang isang toneladang shabu pero si Gen. Lapeña at ang Customs ay hindi pa tapos magpaliwanag.

Pagdating talaga sa pera ay may mga tao na gagawin ang lahat, kahit ano, kumita lang.

Sino kaya ang gustong pagtakpan sa paninira ng ilang nasa media kapalit ng ibinayad laban sa opisyal ng Customs, aber?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *