MAGSISIMULA na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa susunod na midterm elections na lalahukan ng mga nagbabalak tumakbong senador, congressman at local officials.
Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang limang araw na paghahain ng COC para sa idaraos na halalan sa 13 Mayo 2019, mula October 1 hanggang October 5.
Ilang linggo na lang ay unti-unti nang malilimutan ng publiko ang mga nabulgar na katiwalian sa magkakasunod na audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA).
Tagumpay na nailihis papalayo sa mga nabulgar na korupsiyon ang atensiyon ng marami sa kaso ng inilabas na Proclamation 572 ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na bumabalewala sa iginawad na amnestiya kay Sen. Antonio Trillanes IV noong nakaraang administrasyon.
Mas kinahihibangan pa ng mga hangal sa pamahalaan si Trillanes kaysa magpamalas ng kakayahan na lutasin ang mabilis na paglaganap ng kahirapan dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa serbisyo, pati na ang kawalan ng sapat na supply ng bigas.
Habang dumarami ang bilang ng nasasadlak sa kahirapan dahil sa inflation ay mas lumalaki rin ang tsansa na manalo sa eleksiyon ang mga politikong walanghiya, walang kuwenta, mapagsamantala at magnanakaw.
Si Pres. Digong mismo ay hindi nababahala at sinabing artificial ang kawalan ng sapat na supply ng bigas, pero ang hindi nga lang natin alam ay kung hanggang kailan maibabalik sa normal ang situwasyon.
Kung artificial lang ang krisis sa bigas, kasama ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at bayarin, ibig sabihin ay may nagmamanipula na dapat parusahan.
Kaya naman hindi maisasantabi na magsuspetsa ang iba na sinasadya ang pagbalewala sa krisis para gawing busabos ang mga botante na umasa sa iaalok na suhol ng mga politiko pagdating ng eleksiyon.
Madali nang maipagbibili ng botanteng timawa ang kanyang sagradong boto kapalit ng halaga na magagasta para sa isa o dalawang araw, at maliit na supot ng grocery na may kasama pang NFA rice na may bukbok galing kay Department of Agriculture (DA) Sec. Manny “Galunggunggong” Piñol.
Sa ayaw at sa gusto natin, kung sino ang mga walanghiya na may ipambibili ng boto ang nakalalamang na manalo, habang ang kahirapan naman ay patuloy na ginagamit na katuwiran ng mga botanteng patay-gutom tuwing may halalan.
‘Yan ang dahilan kung bakit ang mga politikong mandarambong at magnanakaw ay patuloy na ibinoboto kahit may kaso.
PARTIDO PARTE-PARTE
AT ‘yan din ang dahilan kung bakit ang mga buhong at balimbing na politiko ay pilit nagsisiksikan sa partido na kung ‘di man kinabibilangan ay kaalyado ng nakaupong administrasyon.
Katunayan, ang masisibang politiko ay nag-uunahang makasali sa Hugpong Ng Pagbabago (HNP) na itinatag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Marami rin sa mga dayukdok na politiko ang umaasam na makakukuha ng malaking pondo kaya laging nakapulupot kay SAP Bong Go.
Kung hindi si Pres. Digong ang pangulo ay sino sa kanila ang mag-aaksaya ng oras na sumampay sa HNP ni Inday Sara at kay Go, palagay n’yo?
Sila ang mga politiko, na kung ‘di man ipinaglihi, ay walang ipinagkaiba sa baboy dahil kung nasaan ang labangan ay doon sumasabsab.
Isa lang talaga ang nakikilalang partido ng mga politiko at mapagsamantalang kakandidato, ang ‘Partido Parte-Parte!’
Importante na itanong sa sarili ng botante kung saan nanggaling ang pondo na gagastahin at ipamimili ng boto ng mga politiko sa eleksiyon?
Ang lalong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin pagkatapos ng eleksiyon ang karma na asahan ng botanteng inihahanapbuhay ang pagbebenta ng boto.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid