ISANG interview lang iyon para sa comeback movie ni Congressman Monsour del Rosario, ang napakaaga ng time, kasi nga may appointment pa siya sa Malacañang pagkatapos niyon. At sabi naman small group lang iyon. Pero hindi pala ganoon, kasi nang tanungin si Mon kung sino ang gusto niyang imbitahin, sinabi na niya lahat halos ng mga reporter na naging kaibigan niya from the very start, na lahat gusto niyang makita.
In fact may kuwento siya sa bawat isang reporter na dumating. Marami rin siyang hinahanap na iba pa na naging mga kaibigan din naman niya. Particularly nga sina Alfie Lorenzo at Billie Balbastro na kaibigan din naman ng manager niya noong araw na si Bibsy Carballo, na ngayon ay wala na rin.
Iyong comeback movie niya, iyong Trigonal, isang English film na bagama’t ilalabas din nga rito sa Pilipinas, ang talagang target market naman ay China at iba pang mga Asian countries, bukod pa sa US. Ilalabas din iyon sa cable hanggang sa Europe, at naiayos na nilang lahat iyan,
Pero masyadong naging personal nga ang usapan dahil ang naungkat at iyong mga kuwento noong nakaraan, iyong mga naging girlfriend ni Mon noong nasa showbiz pa siya, na ang inaamin naman niya ay dalawa lang. Hindi kami naniniwala roon.
Natawa nga kami noong lumabas ang pag-aaway nila noong araw ni Mayor Richard Gomez at alam na ninyo kung sino ang dahilan. Pero ngayon naman okey na sila. Naungkat pa nga iyong pinakatatago-tagong kuwento noong araw tungkol sa isang sikat na male star na sinakal niya, dahil din sa isa niyang girlfriend. Inaamin naman ni Mon, siya talaga ang bad boy noong panahong iyon, “pero bata pa ako noon and that was 30 years ago,” ang giit naman niya.
Hindi nga presscon ang nangyari, parang reunion at ang lumalabas talagang pinakamakulit pa rin ay si Mon. Ang dami kasi niyang kuwento eh, maski tungkol sa mga reporter na naroroon naman, kaya nga laging malakas ang tawanan. Buti nga hindi nakalimutan ang pelikula niya.
Pero ngayon sabi nga ni Mon, tutal nasimulan na iyan, gusto niyang makita ang mga kaibigan niya sa entertainment press, parang reunion lang talaga. Kuwentuhan lang. Sabi nga niya, “kasi nakaka-relax naman iyong minsan ganyan ang kuwentuhan na maaalala mo ang nakaraan mo.”
HATAWAN
ni Ed de Leon