Sen. Trillanes, salba-bida; Robin Padilla, kontra-bida
Percy Lapid
September 7, 2018
Opinion
HABANG nalilibang ang publiko sa kontrobersiyal na pagbawi sa amnestiya na iginawad kay Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV sa inilabas na Proclamation No. 572 ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte ay pansamantalang natatabunan ang mga pangunahing problema ng bansa na dapat solus-yonan.
Kumbaga ay parang commercial sa telebisyon na sandaling pinuputol ng isyu laban kay Trillanes ang palabas na nagtatampok sa patuloy na pagsadsad ng pambansang kabuhayan.
Sa pinakahuling datos ay umabot na sa 6.4% ang inflation rate bunsod ng hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at bayarin nitong buwan ng Agosto.
Hindi natin alam kung kailan at kung ano ang gagawin ng pamahalaan para tugunan ang paglubha ng kahirapan sanhi ng halos araw-araw na pagtaas sa halaga ng mga produktong petrolyo, kasama ang panggatong na LPG at kakulangan sa supply ng bigas.
Sa ngayon, si Trillanes na sentro ng Proclamation 572, ang maituturing natin na pinaka-importanteng nilalang higit sa kaninomang opisyal ng pamahalaan.
Siyempre, sino ba namang nilalang na nasa matinong pag-iisip ang matututuwa na magdusa sa bigat ng pamumuhay.
Kung ‘di dahil kay Trillanes ay hindi sana pansamantalang maililihis ang atensiyon ng marami papalayo sa realidad ng matinding krisis, kahit bahagya.
At kung tutuusin ay si Trillanes pa ang may naiaambag na tulong sa administrasyon para makasalba laban sa unti-unting pagkadesmaya ng mamamayan, kompara sa maiingay na ka-DDS at nagkukunwaring supporters ng pangulo.
Mas importante pa rin na agapan at pagtuunan ng administrasyon ang paglutas sa problema bago tuluyang dumausdos ang tiwala ng mamamayan sa kanilang kakayahan.
Dahil sa malaon at madali ay kukupas din ang isyu laban kay Trillanes, sa ayaw at sa gusto natin.
Ex-Convict si Robin
TIYAK na bidang-bida ang aktor na si Robin Padilla sa pagbabalik ni Pres. Digong mula sa ilang araw na pagbista sa mga bansang Israel at Jordan sa darating na Linggo.
Dinaig pa kasi ni Robin si Department of Justice (DOJ) Menardo Guevarra na naitalagang caretaker habang nasa biyahe ang pangulo.
Nais daw kasi niyang masiguro na maipatutupad ang batas kaya’t tumambay siya sa labas ng Senado para raw saksihan ang pag-aresto sa mambabatas.
Sabi ng pangahas na aktor, balak din niyang siya ang personal na magpatupad ng pag-aresto oras na lumabas ang warrant of arrest laban sa senador.
Tila gustong magpapansin sa madla na may nalalaman siya sa batas ay umeksena si Robin, ang sabi niya:
“Lahat naman kami rito alam namin na walang warrant, kasi kung may warrant andu’n na ho ako sa loob. May citizen’s arrest, di ba? Kahit kayo puwede ninyo siyang arestohin. Ayaw n’yo? ‘Di ba automatic ‘yun? Nasa batas po ‘yun, basta mayroong kriminal sa harapan mo, at nandiyan, at ikaw ay citizen ng Filipinas.”
Kung ‘yan pala ang paniwala ni Robin sa citizen’s arrest ay bakit hindi niya subukang arestohin ang mga smuggler at nagtatago ng bigas na nagpapahirap sa mamamayan?
Magagawa kaya ni Robin ang kanyang sinasabi laban sa mga Intsik na wanted at may outstanding warrant of arrest kaugnay ng P6.4-B shabu smuggling sa Valenzuela na kinabibilangan ni Kenneth Dong?
Maipagyayabang ba ni Robin ang klase ng citizen’s arrest na kanyang sinasabi kung hindi si Pres. Digong ang pangulo?
Siguro, nagkaroon ng paniwala si Robin sa kanyang napanaginipan at kung hindi man ay naalimpungatan lang siya. Hehehe!
Hahayaan ko nang ang mga nagsipag-aral ng batas ang magturo kay Robin kung ano ang legal na kahulugan ng citizen’s arrest, kung paano at kailan ito maaring gampanan.
Nakalimutan ba ni Robin naging absolute lang ang kanyang pardon noong 2016 na iginawad sa kanya ni Pres. Digong?
Sakaling hindi alam ni Robin ang pagkakaiba ng amnesty sa pardon – sa amnesty ay burado ang pangyayari, habang sa pardon ay hindi.
Sa madaling sabi, kahit pa nagawaran si Robin ng full pardon ay ex-convict pa rin siya kaya’t siya ang pinakahuling tao na maaring umaresto sa ngalan ng citizen’s arrest.
Sabi nga ni Alexander Pope, “A little learning is a dangerous thing. Drink deep, or taste not the Pierian Spring; There shallow draughts intoxicate the brain, and drinking largely sobers us again.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])