KINAKARIR ng beauty queen-actress-model, Hiro Nishiuchi ang pag-aaral ng Tagalog at Ingles para sakaling mabigyan ng pagkakataong makapag-artista ay hindi na siya mahirapan.
Nagbalik-‘Pinas si Hiro na kamakailan ay nasulat natin ukol sa kanyang pagiging Philippine Tourism Fun Ambassador. Ipino-promote ni Hiro ang Pilipinas sa Japan kaya naman maraming lugar ang pinupuntahan niya rito.
Sa muling pagbabalik-‘Pinas, nagkaroon siya ng charity work na namigay siya ng bags of groceries sa naapektuhan ng Habagat.
Ayon sa isang kasama ni Hiro, hindi basta-basta bags of groceries ang ipinamigay ni Hiro, punumpuno iyon ng magagandang klase ng groceries na tiyak na ikinasiya ng mga nakatanggap na pamilya na mga taga-San Juan.
Samantala, nakatutuwang kausap si Hiro na ipinagmalaking marami-rami na siyang alam na salitang Tagalog. Ilan dito ay ang ”Salamat po”, “Mahal kita”, “Kain na” at “Magandang umaga, tanghali, at gabi”.
Nakaiintindi ng Ingles si Hiro ngunit hindi pa siya masyadong bihasa kaya lagi siyang may kasamang interpreter kapag bumibisita sa Pilipinas.
Hindi itinago ni Hiro ang kasiyahan sa tuwing pumupunta siya ng Pilipinas. Gandang-ganda kasi siya sa mga lugar na nabisita na niya, bukod pa sa masasarap na pagkaing Pinoy na talagang nami-miss niya kapag siya’y nasa Japan. Favorite niya ang adobo at ilang kakaning Pinoy.
Kuwento ni Hiro, nagtungo rin siya sa Tagaytay para sa susunod na promotional materials na gagawin niya.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio