MALAKING kalokohan itong sinasabi ng National Food Authority na walang problema kung kumain daw tayo ng bukbok na bigas. Hindi naman daw ito masama sa kalusugan kahit pa dumaan sa fumigation, basta kailangan daw itong hugasang mabuti bago iluto.
At para raw mapatunayan na hindi big deal ang pagkain ng binukbok na bigas, pangungunahan daw ni NFA Administrator Jason Aquino ang pagkain ng kanin mula sa binukbok at dumaan sa fumigation na bigas.
Napakairesponsable ang pahayag na binitiwan ng NFA. Hindi usapin dito kung kaya bang kumain ni Aquino ng bigas na may bukbok o hindi. Ang isyu rito, ang bigas, sa unang punto pa lang ay dapat malinis na at talagang fit for human consumption dahil ito ang staple food sa bawat mesa ng pamilyang Filipino. Hindi ‘yung palusot lamang, na kesyo walang problema kung binukbok man ito, basta hugasan lang nang mabuti at ayos na iyan sa sikmura.
Ang hirap dito kay Aquino sa at sa ibang mga opisyal ng NFA, talagang maliit ang tingin nila sa masang Filipino, na ayos lang sa kanila ang kumain ng bigas na puno ng peste!
Tama nga siguro ang pahiwatig ng Malacañang na dapat na sigurong buwagin ang NFA dahil tila wala namang silbi ang ahensiyang ito. Kung hindi naman kaagad ito mangyayari, maiging sibakin na lang ni Pangulong Duterte itong si Aquino at palitan nang mainam na opisyal.