IMBES ang pagsusulong sa Tax Reform for Attracting Better and High Quality Opportunities or TRABAHO, ang pinagandang pangalan ng TRAIN 2, sinabi ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na ang dapat pagtuunan ng pansin ng Kongreso ay tax amnesty sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9480 na naging batas noong February 19, 2017.
Ang tax amnesty na ipinatupad para sa 2005, naglikom ng P5.902 bilyon o 2 porsiyento ng kabuuang income taxes na nakolekta sa taon na iyon.
Ayon kay Suarez dapat tingnan ng Kongreso ang isa pang panukalang tax amnesty sa House Bill (HB) No. 3832, o “An Act Granting Tax Amnesty on All Unpaid Internal Revenue Tax Liabilities for Taxable Period January 2006 to June 2016.”
Ani Suarez, naghain ng panukala, imbes TRAIN 2 ang pag-aksayahan ng panahon, dapat iprayoridad ang tax amnesty.
Sa panig ni Deputy Speaker Rep. Raneo Abu ng Batangas dapat isama sa panukala ni Suarez ang “estate tax amnesty” na makatutulong sa updates ng mga real property records at titulo.
“Ito po ay magsusulong ng interes ng mga ninuno ng ating mga mahal sa buhay na pagandahin ang mga minana nila,” ani Abu.
Ito, ani Abu, ang magpapalago ng pondo ng local government units.
Kaugnay nito, binatikos ni Suarez ang patuloy, aniyang korupsiyon sa Bureau of Internal Revenue.
Aniya ang bagong Tax Amnesty Bill, ay magbibigay ng “clean slate”sa mga “delinquent taxpayers.”
Ani Suarez, mag uudyok din ng tax amnesty sa mga “low-income” at “middle-income earners, professionals” at OFWs na pumasailalim sa programa at mag-register sa BIR.
(Gerry Baldo)