“PAGKATAPOS ng limang taong tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), isang karangalan kong iulat ang malaking hakbang na tinupad ng Komisyon tungo sa pag-uswag ng Filipino bilang wikang pambansa gayundin sa pangangalaga ng mga wikang katutubo ng Filipinas.”
Ito ang masayang panimula ni National Artist for Literature Virgilio S. Almario, kasalukuyang tagapangulo ng KWF at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa kanyang State of the Language Address (SOLA) na inihayag sa pagbubukas ng Kongreso Sa Wika 2018, sa Unibersidad ng Santo Tomas, kahapon.
Sa ilalim ng Adyenda sa Pagbuo ng Gramatika ng Wikang Pambansa, inamin ni Almario na nabalam ang pagpapalaganap at pagpapayaman sa Wikang Pambansa dahil hindi lumikha ng isang matagalang pambansang planong pangwika ang nakaraang mga pamunuan mulang 1937.
Ito ang dahilan kung bakit sa kanyang pamumuno ay sinikap ng Komisyon na may nagkakaisa at nakakatulad na mithiin na bumuo ng medium term plan (KWF Medyo Matagalang Plano 2013-2016) — ang aniya’y “kauna-unahang nakasulat na matagalang pambansang planong pangwika sa Filipinas.
Sa kanyang talumpati, tinukoy ni Almario na may dalawang malaking bagahe ang nagdaang mga pamunuan gaya ng himutok noong dating Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na kawalan ng taguyod mula sa pamahalaan at masasalamin sa napakaliit na taunang badyet para sa gawaing pangwika, at ang pagbabantulot ng unang pamunuan, ang panahon ni Ponciano BP Pineda, na isulong ang ninanais na “Filipino” ng 1973 Konstitusyon at ang kawalan naman ng malinaw na bisyon kung paano tutupdin ang 1987 Konstitusyon ng sumunod na pamunuan nina Buenaobra, Nolasco at Jolad Santos.
Aniya, ang ikalawang bagahe ay sinagot ng kasalukuyang pamunuan sa pamamagitan ng misyong: “Itaguyod ang patuloy na pag-unlad at paggamit ng Filipino bilang wikang pambansa habang pinangangalagaan ang mga wikang katutubo ng Filipinas tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa, at kaunlaran ng sambayanang Filipino.”
Ani Almario, “Ang paggamit ng Sebwano-Ilonggong “uswag” ay simbolikong palatandaan ng naturang hangarin.
Maganda rin umanong banggitin sa yugtong ito, “ang pagbuo at pagpapalaganap ng Ortograpiyang Pambansa mulang 2013 at kasalukuyang pagsisikap na ibukas ang pagbuo ng Gramatikang Filipino sa paglahok sa mga wikang katutubo.
Habang ang unang bagahe ay “sinagot ng kasalukuyang pamunuan sa pamamagitan ng malikhaing mga taktika upang ganap na maiukol sa mga produktibong proyekto ang kasalukuyang maliit pa ring badyet at paghahanap ng dagdag pondo para sa mga bagong proyektong pangwika.
“Sa loob ng nakaraang limang taon ay napatunayan naming hindi totoong maliit ang kasalukuyang taunang badyet ng Komisyon kung gagamitin nang maingat at mahusay…”
Sa taong ito itinanghal ng Komisyon ang temang “Filipino: Wika ng Saliksik” upang idiin ang kabuluhan ng paggamit ng wikang higit na malapit sa isip ng mamamayan.
Binigyan diin ni Almario na marangal ang Filipino – ang wikang Filipino at ang mamamayang Filipino.
Ngunit ang imperyor na pagtingin ng marami sa ating sarili bilang tao at bilang nasyon ay tumatalab umano sa mahina nating turing sa sarili nating Wikang Pambansa.
“Kaya ang islogang “Uswag: Dangal ng Filipino!” ay plataporma para hanguin ang sambayanan mula sa balon ng kahinaan, maghangad ng kaunlaran para sa ating bayan at kasabay na pahalagahan ang katutubong kultura,” diin ni Almario sa kanyag SOLA.
Sa huli, hiniling niyang, “Sana kasama namin kayong lahat sa labang ito. Mabuhay ang marangal na wikang Filipino. Mabuhay ang marangal na kulturang Filipino!”
Ang Kongreso Sa Wika 2018 ay magpapatuloy ngayong araw, 3 Agosto hanggang bukas 4 Agosto na dinaluhan ng mga guro sa Filipino mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. (GMG)