ILANG araw mula nang tumila ang ulan dala ng bagyong Josie, napansin natin na apaw pa rin ang baha sa ilang bahagi ng Luzon. Hindi lang ito baha na lampas sakong kundi lampas tuhod o lampas balakang.
Normal na para sa mga taga-Metro Manila ang lumusong sa baha. Prehuwisyo ito para sa mga pumapasok sa trabaho at sa paaralan pero ginhawa naman ang dala para sa iilan. Pagkakataon para makapag-swimming sa Lagusnilad. May barya ring naghihintay para sa mga batang nagtatawid ng ‘pasahero’ sa kanilang kariton.
Ang nakaaalarma, hindi na lang problema ng Metro Manila ang baha sa panahon ngayon. Halos lahat ng siyudad at mabababang kabayanan sa buong bansa ay lumulubog na rin sa baha. Wala nang ligtas, mayaman ka man o mahirap.
Dahil sa bahang dulot ng Habagat na pinalala ng mga bagyong Henry, Inday at Josie, ilang probinsiya at munisipyo ang nagdeklara ng state of calamity. Kabilang dito ang buong probinsiya ng Cavite; at Dagupan City, Sta. Barbara, Bugallon, Mangatarem at Calasiao sa probinsiya ng Pangasinan.
Sa Bataan, umabot sa walong talampakan o lampas tao ang baha sa Balanga City. Lumubog din sa tubig ang 34 barangay sa munisipalidad ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Abucay, Pilar, Orion, Limay, Mariveles, Morong at Balanga. Nakaamba rin magdeklara ng state of calamity sa ilang mababang lugar sa Nueva Ecija, Bulacan at Pampanga.
Sa pagbuhos ng ulan, parang lahat ay nabigla sa biglaang pagtaas ng baha. Nakapagtataka na tila kulang pa rin ang preparasyon dito gayong alam nating lahat na mahigit 20 bagyo ang dumaraan sa bansa taon-taon. Alam din natin kung ano ang dala ng bagyo. Baha.
Sa harap ng ganitong sitwasyon, hindi natin maiwasang magtanong. Wala na ba tayong magawang paraan para hanapan ng solusyon ang problemang ito? Kanino bang responsibilidad ito: kay Mayor o kay Digong?
Ilang Pangulo na ang nagdaan. Milyon-milyong piso na rin ang nagastos para sa flood control projects. Pero sa halip mabawasan, tila dumarami pa ang lugar na sinasalanta ng baha. Biruan na nga na umihi lang ang kabayo, baha na ang kasunod.
“Malakanyang nga, e, hindi kaya, kami pa kaya?” Ito naman marahil ang depensa ni Mayor at mga kasama niya sa konseho. “Hindi kaya ng badyet namin, anila. Trapik nga lang at basura, masakit na ulo namin.”
Wala na tayong panahon para magturuan. Panahon na siguro para seryosohin ng mga namumuno sa atin ang mga problemang dulot ng bagyo at madalas na pag-ulan. Hindi naman mahirap na upuan nila ito at sama-samang hanapan ng solusyon.
Malaki ang maitutulong kung maiimbitahan ang mga eksperto sa pagtitipong ito. Wala namang monopolyo ng katalinuhan ang mga nasa gobyerno. Mas madalas pa nga, simple lamang ang solusyon sa problemang ginagawang komplikado ng gobyerno.
Naniniwala tayo na kayang hinanapan ng solusyon ang lahat ng problema kung sama-sama. Sabi nga nila: “Baha ka lang, Pinoy kami!”
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III