Friday , November 15 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

Pera sa basura, diskarteng Pinoy

HINDI maikakaila, mahirap ang buhay ngayon. Patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin. Pati galunggong na sagisag ng kahirapan noon, hindi na abot-kaya sa presyong P220 bawat kilo. Para makatipid, marami ang nagkakasya sa sinabawang sardinas bilang tanghalian o hapunan ng buong pamilya. Isang lata ng sardinas na pakukuluan sa tubig para mapagkasya sa limang katao. Pumula lang ang sabaw, talo-talo na. Kung may badyet pa, sasahugan naman ng miswa para mas mabigat sa tiyan.

Naalala tuloy natin ang panahon ng ating kabataan noon. Dekada 70 at 80. Sa ilang taon na naging regular na bisita tayo sa mga piketlayn at welga ng manggagawa, saksi tayo kung paano dumiskarte sa buhay ang naghihikahos na Pinoy. Sa murang edad, napabilib tayo sa tibay ng dibdib ng mga kapatid natin sa mahihirap na komunidad.

Kapag walang regular na trabaho, nagbe­benta ng tinging sigarilyo. Iyong marunong mag­luto, naglalako ng mga kakanin tulad ng suman, biko at sapin-sapin. Ang malalakas ang pangangatawan, sumasaydlayn na taga-buhat ng kargamento sa mga terminal ng bus at pier.

Sa gitna ng kahirapan, nakapagtataka na hindi pa rin mapaknit ang ngiti at tawa ng Pinoy. Laging masayang okasyon ang pagsasalu-salo sa harap ng pagkain. May ‘koda’ ang pagkain para hindi makantiyawan ng kapitbahay. ‘Corned beef’ ang tawag sa bagoong alamang. ‘De-sabog’ naman kung nagdidildil sa asin.

Kahit sa lugar na kinalakihan natin sa Tondo, hindi nauubusan ng diskarte ang mga mag­ka­kapitbahay. Maging mga paslit, marunong maghanapbuhay para makatulong kahit kaunti sa pambili ng pagkain ng pamilya sa araw-araw. Ang diskarte ng mga musmos, pagbebenta ng diyaryo, bote at garapa. Alam ng marami kung ano ang diyar­yo at bote pero ang salitang garapa, mala­mang na mga batang-kalye lang ang may alam.

Hindi rin natin alam kung ano ang eksaktong ibig sabihin ng garapa. Ang alam lang natin, “diyar­yo-bote-garapa” ang tawag sa magkakariton na namimili ng basura sa mga komunidad. Kung kariton ng sorbetes ang inaabangan ng mga may pambili, kariton naman ng diyaryo-bote-garapa ang hinihintay lagi ng mga kapos-palad na dumaan sa kanilang kalye.

Sa panahong hindi pa uso ang internet, ang pinagkakaabalahan ng mga bata noon ay pagkolekta ng lumang diyaryo, basyong bote at iba pang basura na binibili ng mga magkakariton. Ang presyo ng lumang diyaryo, ay ibinabase kada dangkal. Lugi ka kung malaki ang kamay at mahaba ang dangkal ng magkakariton. Iba-iba naman ang presyo bawat bote, depende sa laki.

Huwag ipagkamali, hindi seryosong trabaho ng mga bata ang pamumulot ng basura sa loob ng bahay. Para sa kanila, normal na gawain iyon sa pang-araw-araw. Parang paglalaro lamang. Hindi nakahihiya at masayang gawin dahil nakagawian na sa komunidad.

Sa pagdaan ng panahon, unti-unting nawala sa mga kalye ang magkakariton ng diyaryo, bote at garapa. Napalitan ito ng mga junkshop. Kung gusto mong magbenta ng basura, kailangan mo pang hanapin ang pinakamalapit na junkshop. Ito marahil ang dahilan kung bakit tila nawalan na ng gana ang mga bata na mangolekta ng basura sa loob ng bahay para ibenta. Naging ‘full-time job’ para sa iilan ang panga­ngalakal ng basu­ra.

Maliban sa pag­­hi­higpit ng sin­turon at pagtitipid, napapanahon si­gu­ro na muling ituro sa mga musmos ang pagpapa­ha­laga sa basura. Ma­ging sa ibang bansa, uso na ang ganitong kauga­lian. Recycle at Re-Use ang tawag nila rito. Sa ilang bansa sa Europa, nakita natin na may ilang ATM-machine na tumatanggap ng basyong bote, babasagin man o plastic. Pagkahulog ng bote, may lalabas na pera. Hi-tech na ang bote-gapara.

Kailangan lamang ang suporta ng pama­halaan sa kampanyang ito. Hindi naman banyaga sa atin ang konseptong recycling. Lumang diskarte na ito ng Pinoy. ‘Ika nga ng matatanda: Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *