“NO illegal drugs were seized…”
Iyan ang unang napuna natin sa after operation report ng Quezon City Jail (QCJ) sa kanilang isinagawang grey hound operation kahapon.
Isa lang ang ibig sabihin nito — walang ilegal na drogang nakita sa loob ng piitan.
Ano?
Hindi nakalulusot ang droga sa QCJ dahil sa mahigpit na pagbabantay o pagpapatupad ng mga jailguard sa direktiba ni QC Jail Warden Supt. Ermilito Moral bilang katugunan sa kampanya ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Meaning, talagang hindi nagpapabaya si Moral at ang kanyang jailguards.
Bukod dito, patunay din ito na walang ano man drug syndicate na nakape-penetrate sa kulungan.
Katunayan, hindi QC jail personnel ang nagsagawa ng paggagalugad sa mga selda kundi mga ahente ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) na armado pa ng apat na sniffing dog “K9.”
“Walang ano man droga na nakita ang PDEA. Ito ang ika-apat na greyhound at simula noon ay walang nakuhang droga,” pahayag ni Moral.
Napakagandang balita, walang droga sa kulungan. Ibig sabihin, safe na safe ang 3,600 inmates… at siyempre, patunay ito na talagang hindi nagpapabaya si Moral.
Kumbaga, hindi lamang para sa ikagaganda ng imahen ng QC Jail at ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) na pinamumunuan ni Gen. Deogracias Tapayan ang malinis na QC Jail kung hindi para sa kabutihan at seguridad ng mga bilanggo.
Sa pagpapatupad ng Oplan Linis Piitan 2018, naging katuwang ng QC Jail sa operasyon ang PDEA, BJMP National Capital Regional Office at Quezon City Police District (QCPD).
Sa pamamagitan ng tatlong nabanggit, sila ang magpapatunay na talagang malinis ang QC Jail sa illegal na droga at hindi ang pamunuan ng bilangguan.
Akalain niyo, ika-apat na greyhound na ang isinagawa sa QC Jail pero, ganoon pa rin. Walang nabago. Malinis ang piitan – walang drogang naipupuslit kahit residue man lang. Yes, kahit residue ng droga o paraphernalia ay walang nakita. Ganoon kahigpit ang pagpapatupad ni Moral sa direktiba ni Tapayan lalo sa kampanya ni Pangulong Duterte.
Pero ano man, may mga nakompiska sa loob ng ilang selda – Querna Brigade (Dorms 1-7) at Bahala Na Gang (BNG). Nakuhang nakatago sa tulugan ang 8 improvised bladed weapon, 19 kutsara/tinidor, 5 cellphone, 2 improvised water heater, 2 cellphone charger, blunts of woods, at disposable lighter.
Kapansin-pansin din na minimal lang ang bilang ng mga nakompiska. Meaning, patunay na talagang mahigpit ang pagbabantay sa kulungan. Pero, marahil ay itatanong ninyo kung paano nakapuslit sa loob ng piitan ang mga nakompiska.
Ani Moral, sinibak at ipinalipat na niya ang jailguard na nasa likod ng pagpupuslit. Nasa floating status sa regional office ang guwardiya at nakatakdang sampahan ng kasong administratibo.
Iyan ang QC Jail, walang drogang nakalulusot dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Iyan ang QC Jail, walang droga dahil hindi na nakapapasok o hindi nakape-penetrate ang sindikato sa loob.
Iyan ang QC Jail, walang droga — patunay na hindi kayang lagyan ng sindikato ng droga si Moral.
Supt. Moral, sampu ng inyong mga opisyal at jailguards, keep up the good work.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan