Monday , November 25 2024

Pasyenteng dumudulog sa PCSO dumarami

HINDI nakapagtataka kung bakit dumarami ang bilang ng mga dumudulog na pasyente sa mga tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa patuloy na paglago ng kita ng ahensiya mula sa mga palarong loterya na Small Town Lottery (STL), Lotto, Keno (Digit Games) at Sweepstakes.

Kahit na si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Lorraine Marie Badoy na kamakailan ay bumisita sa tanggapan ni PCSO General Manager Alexander “Mandirigma” Balutan ay namangha sa bilyon-bilyong kita kada buwan ng PCSO.

Nangako ang butihing opisyal mula sa Palasyo na susuporta at tutulong sa PCSO upang malawak na maipaabot sa mamamayan ang tamang impormasyon hinggil sa serbisyong kawanggawa ng gobyerno.

Sa 18 Hulyo 2018, dadalhin ni Mandirigma ang magandang balita sa Laoag City, Ilocos Sur upang magbigay ulat sa bayan hinggil sa kabuuang kinita ng PCSO sa pangalawang yugto (2nd Quarter) ng taon. Ang ulat ng PCSO sa 1st Quarter ay naganap noong nakaraang Abril sa Lipa City, Batangas. Kada quarter ng taon ay ginagawa ni Mandirigma ang mag-ulat sa bayan hinggil sa kinikita at kung saan ginagamit ang pondong nakakalap ng PCSO bilang kabahagi ng kanyang panuntunang transparency at accountability sa gobyerno at sa taongbayan.

Sa ganitong pagtitipon na sinimulan ng kanyang tanggapan noong nakaraang taon, dito nagkakaroon ng masiglang talakayan sa lahat ng mga kalahok kabilang ang media sa pinamagatang Sama-samang Talakayan at Linawan (STL) – PCSO Editoryal.

Nitong nakaraang Biyernes (13 Hulyo), nakamamangha ang ginawang estratehiya ng PCSO-Pampanga Branch Office sa pamumuno ni Manager Ma. Lourdes Ciscar-Soliman. Isinagawa ng kanyang tanggapan ang “One time, big time” enrollment ng mga pasyente sa Individual Medical Assistance Program (IMAP), ang flagship project ng PCSO.

Mahigit sa 4,000 pasyente at kaanak ng mga pasyente ang pumuno sa Bren Guiao Convention Center sa San Fernando City upang magsumite ng mga kinakailangang dokumento para maayudahan ng PCSO ang kanilang bayarin sa ospital, pang-dialysis at pang-chemo/radiation, at iba pa gaya ng transplant at implant.

Karamihan sa mga pasyenteng dumudulog ay sumasailalim sa dialysis. Ito na yata ang dumaraming sakit sa ating bansa. Buti na lamang at nandiyan lagi ang PCSO na handang magka­wanggawa para sa mga nangangailangan na mamamayan lalo sa mga kapos-palad nating mga kababayan.

Hindi ko lang maintindihan ang pagtatasa ng isang ahensiya ng gobyerno na nagsasabi kung bakit nag-o-overspending daw ang PCSO dahil sa dumarami nitong bilang ng natutulungang nagkakasakit na Filipino.

Kung hindi ba naman tinaman ng magaling ang ahensiyang ito dahil kung kailan lumalago ang kita ng PCSO at dumarami ang bilang ng natutulungang mahihirap na mamamayan ay saka naman nag-aalboroto ng kung ano-ano. E ‘di mas lalo na kung kokonti ang bilang ng mga natutu­lungang nagkakasakit?!

Napakahirap ispelingin ang nasabing ahensiya pero kung sila umano ang nakatatanggap ay tikom ang bibig dahil ang tawag nila dito ay “assistance.” Pero kung ito ay “allowance,” simbilis ng kidlat ang kanilang reaksiyon na bawal ito sa batas kaya agad may “disallowance!”

Batay sa aking nakuhang datos, nasa mahigit P3.5 bilyon ang nagastos ng PCSO para sa IMAP at mahigit 170,000 pasyente ang nag­benepisyo mula Enero hang­gang Hunyo ng kasa­lu­ku­yang taon. Ma­lalaman natin ang ek­sak­tong da­tos nito at ang iba pa sa 2nd Quarter Report ni Man­dirigma sa darating na 18 Hulyo 2018.

Kita-kita tayo doon mga ka-Mandirigma!

BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin

About Florante Solmerin

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *