PUMAYAG umano si President Rodrigo Duterte na tumigil sa paglalabas ng mga pahayag tungkol sa simbahan matapos makipagpulong nang one-on-one sa pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na si Archbishop Romulo Valles.
Maaalalang naging kontrobersiyal ang sunod-sunod na pagbatikos ni Duterte laban sa simbahan na humantong sa pagtawag niya na estupido raw ang Diyos at pagkuwestiyon sa lohika ng kuwento ng “Creation” sa Biblia.
Pinagdudahan din niya ang konsepto ng “original sin” at pagkalipas ng ilang araw ay kinuwestiyon naman ang mga karakter sa “Last Supper” na ginawa raw mga santo dahil naroon lang sila sa painting. Kung inyong natatandaan, ang Last Supper sa Biblia ay naglalarawan sa huling hapunan ni Kristo na kasama ang 12 niyang Apostol bago siya hinuli at isinailalim sa mga pagpapahirap, pagpapako sa krus at pagkasawi.
Akalain ninyong umabot pa ito sa punto na naglatag ang Punong Ehekutibo ng imposibleng hamon na handa raw siyang magbitiw sa puwesto kung may makakukuha ng selfie sa pamamagitan ng cell phone bilang patunay na totoong may Diyos.
Pero palaisipan para sa marami kung mapangangatawanan nga ni Duterte ang pangako. Panahon pa ng kampanya ay binabatikos na ni Duterte ang hanay ng mga pari na inakusahan niya ng korupsiyon at pang-aabuso sa kapangyarihan. Hindi rin niya inilihim na ang kinikimkim na galit ay nag-ugat umano sa hindi magandang karanasan niya sa kamay ng pari noong estudyante pa lang siya.
Sa pananaw ng marami ay dapat lang tuparin ni Duterte ang binitiwang pangako bago manumpa sa tungkulin bilang Pangulo ng Filipinas na ititigil ang labis na pagmumura at kikilos nang naaayon sa isang presidente bilang paggalang sa puwesto na kanyang hawak.
Bilang Pangulo ay nararapat lang niyang igalang ang lahat ng relihiyon ng mga mamamayan na nasa ilalim ng kanyang pamumuno. Hindi na angkop ang estilong bira rito, bira roon na parang isang sanggano na laging matapang, mainit ang ulo at nakikipag-away kung kani-kanino.
Alalahanin ang pagiging Pangulo ay nagbibigay sa kanya ng responsibilidad para maging ama ng buong bansa kaya dapat na niyang iwaksi sa isipan ang personal na karanasan sa kamay ng pari kahit na maituturing na mapait pa ito. Hindi siya ipinuwesto ng mga mamamayan para makapaghiganti sa kanyang dating mga nakaalitan.
At higit sa lahat, bilang pinuno ng bansa ay dapat niyang bigyan ng respeto ang Konstitusyon na kumikilala at nagbibigay-galang sa kahalagahan ng Panginoon at humihingi ng tulong sa Kanya para sa ikabubuti ng buhay ng bawat mamamayan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.