MAITUTURING na wala nang silbi si House Speaker Pantaleon Alvarez bilang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at secretary general ng PDP-Laban matapos bigyang akreditasyon ng Comelec ang grupong Hugpong ng Pagbabago o HNP bilang isang political party.
Malinaw na tinutuldukan na ang anomang posisyon o tungkuling politikal ni Alvarez sa pagpasok ng HNP na binuo ng grupo nina Davao City mayor Sara Duterte. Masasabing figure head na lamang ngayon itong si Alvarez bilang speaker ng House at Sec. Gen. ng PDP-Laban.
At sa pagpasok ng HNP sa politika, tatanggap na ito ngayon ng mga bagong miyembro, at magsasagawa na rin ng mga alyansa sa mga lokal na partido pati ang malalaking political blocs sa bansa.
Sabi pa ni Sara, “we will start swearing in new members and invite more to join us.”
Karma ang nangyari kay Alvarez dahil naging diktador siya bilang lider ng Kamara at PDP-Laban. Parang basang-sisiw ngayon si Alvarez, at tiyak na iiwanan na siya ng kanyang mga kaalyado. Nagkukumahog ngayon ang marami na makasama sa partido ng HNP.
Hindi pa ba ‘nabasa’ ni Alvarez ang ginawa ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nang bigyan niya ng basbas ang ginawang pagbubuo ni Sara ng HNP? Ang mahirap kasi kay Alvarez, patuloy ang pagiging arogante, at imbes maging diplomatic ay inaway pa si Sara.
Ngayon, sino pa ang kolokoy na mananatili sa kampo ni Alvarez? Wala! Tiyak maglilipatan na sila sa HNP dahil siguradong dodominahin ng grupo ni Sara ang lokal na politika sa darating na 2019 midterm elections.
At sa mga susunod na buwan, magugulat na lang tayo sa lawak ng organisasyon at makinarya ng HNP. Bubuhos tiyak ang malaking suporta sa HNP, at ito ang political party na higit na pangingilagan at katatakutan ng mga kalaban.
Sabi nga, parang pinitpit na lata ang PDP-Laban kapag sinagasaan ito ng HNP sa darating na halalan sa mga lalawigan. At walang dapat sisihin dito kundi si Alvarez dahil sa maling pagpapatakbo ng kanyang partido.
At kung maglalagay man ng kandidato sa Senado ang HNP kailangang pumili ang grupo ni Sara ng mayroong winnability. Hindi maaaring kumuha lang ang HNP ng senatorial candidate sa tabi-tabi, na hindi kilala at walang kapana-panalo.
Sa mga senatorial candidates naman na nauna nang pinangalanan ni Alvarez na tatakbo sa ilalim ng PDP-Laban, makabubuting layasan na ninyo ang inyong partido, masisira lang ang political career ninyo dahil tiyak na matatalo lang kayo sa darating na halalan.
SIPAT
ni Mat Vicencio