NAKOMPISKAHAN ng airport authorities ng 416 piraso ng basyo ng bala ng .38 kalibreng baril ang isang Filipino na US citizen, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, nitong Lunes.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), na-detect ang mga bala sa resealable transparent plastic bag sa loob ng isang kahon sa isinagawang routine x-ray inspection.
Makaraan ang manual inspection, sinabi ng Laoag-bound Filipina, mula sa Honolulu, ang kahon ay pag-aari ng kanyang bayaw na nakiusap na dalhin niya ito.
Idinagdag niyang siniguro sa kanya ng bayaw na ang kahon ay naglalaman lamang ng mga damit.
Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na kinompiska ang mga bala habang ang pasahero ay hinayaan sa kanyang connecting flight patungo sa Laoag.
Ipinaalala ni Monreal sa publiko na suriin ang kanilang bag upang matiyak na ang mga bagay na ipinadadala sa kanila ay hindi kontrabando upang maiwasan ang abala.