HINDI na dapat pinag-aaksayahan pa ng panahon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang Simbahang Katolika. Sa halip kasing makipag-usap pa rito, mas mabuting pinagtutuunan na lamang ng pansin ni Digong ang ibang problemang kinakaharap ng kanyang administrasyon.
Tama, walang saysay na makipag-usap sa Simbahang Katolika! Walang ginawa ang mga pari at obispo kundi ang batikusin ang kasalukuyang administrasyon at ipalaganap sa pulpito ang galit laban kay Digong.
Kung tutuusin, wala na naman talagang pumapatol sa mga pari at obispo pero muling silang ‘nabuhay’ nang sabihin ni Digong sa kanyang talumpati na estupido ang Diyos. At dahil dito, parang mga patay na sabay-sabay na bumangon mula sa hukay ang mga tinaguriang ”alagad ng Diyos” at sunod-sunod na inupakan si Digong.
Pero hindi na nga ito nakapagtataka dahil noon pa man, ang mga pari at obispo ay walang ipinagkaiba sa mga politiko. Laging nakasawsaw at nakasahog sa usaping bayan, at nakikipagbangayan sa mga congressman, senador, governor at mayor.
Kaya nga, maitatanong tuloy kung nasaan na ang salita ng Diyos na dapat ipalaganap ng Simbahang Katolika? Imbes kasi na magandang balita ang ipahayag sa kanilang mga deboto, walang inatupag ang mga pari at obispo kundi ang mamolitika.
Marami tuloy ang nagsasabing ang Simbahang Katolika ay bahagi ng isang malaking grupong nagpaplanong pabagsakin ang administrasyon ni Digong. Walang ipinagkaiba sa dilawan at leftist organization ang Simbahang Katolika na walang tigil sa kababatikos kay Digong.
Hindi pa ba sapat na pruweba ang ginawang pagpapatalsik sa puwesto kina dating Pangulong Marcos at Estrada? Hindi maikakaila ng Simbahang Katolika ang malaking papel na kanilang ginampanan sa pagpapabagsak sa dalawang lider.
Ngayon, lalong nabigyan ng lakas ng loob ang mga pari at obispo matapos magbuo ng komite si Digong para sa isang dialogo na maaaring lumutas sa hidwaan ng gobyerno at ng Simbahan Katolika.
Pero kung inaakala ni Digong na hihinto o titigil ang mga bunganga ng mga pari at obispo ay nagkakamali ang pangulo. Asahang lalong magiging mabalasik ang mga puna at atake ng Simbahang Katolika kay Digong at hindi ito titigil hangga’t hindi siya umaalis sa kanyang puwesto.
Asahang sa mga darating na linggo, maglulunsad na naman nang sunod-sunod na kilos-protesta ang mga kalaban ni Digong, at tiyak pangungunahan ito ng makakaliwang grupo, dilawan at siyempre pa ng mga pari, madre, at seminarista na pawang naka-sotana tangan ang rosario at Biblia.
SIPAT
ni Mat Vicencio