BUONG pagpapasiklab na inihayag ni Land Transportation Office (LTO) chief Edgar Galvante na ilalabas na ngayong Hulyo ang LTO plates para sa mga nagparehistro ng sasakyan noong Hunyo-Oktubre 2016.
Ang tanong, sigurado na ba ‘yan ngayong Hulyo 2018?!
Paniwalaan natin, pansamantala…
And take note, ipaaalam umano sa mga may-ari ng sasakyan kung kailan nila makukuha ang kanilang plaka.
Kaya hindi na raw kailangan magsayang ng oras na pumunta sa LTO at makipagsiksikan sa mahabang pila para lang makuha ang kanilang plaka.
‘Yan ay ayon mismo kay LTO chief, Assistant Secretary Galvante.
Sa unang linggo umano ngayong Hulyo, ipababatid na sa mga may-ari ng sasakyan kung kailan nila makukuha ang kanilang plaka.
Ibig sabihin, ‘yung mga nagparehistro noong 2016 sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo, Agosto, Setyembre hanggang Oktubre, sa wakas, ay magkakaroon na ng plaka…
Mangyari nawa!
E paano ‘yung mga nagparehistro noong 2015? May pag-asa pa ba silang makuha ang plaka nila?
At paano ‘yung Nobyembre at Disyembre 2016, ibig sabihin ba nito, dalawang taon ulit ang hihintayin nila para mahawakan ang plaka nila?!
Wattafak!
Asec. Galvante, dalawang taon ka nang naririyan sa LTO, ‘yan lang ang kinaya mong tapusin?!
Paano ‘yung mga nakaraan at ‘yung mga susunod pa?! Maghihintay na lang ba ulit sila ng dalawang taon o ng bagong administrasyon?!
Aruyko!
Sana, hindi lang ‘yung mga ‘corrupt’ ang pinatatalsik sa gobyerno…
Isama na rin sana ni Pangulong Digong ‘yung mga opisyal ng pamahalaan na pakaang-kaang at palamig-lamig lang sa kanilang ‘tanggapan.’
Tsk tsk tsk…
IMPRENTA
NG PASAPORTE
HINIKAYAT
IBALIK SA BSP
LABIS ang pag-aalala ni Rep. Zaldy Mangudadatu bunsod ng talamak na pamemeke ng Philippine passports.
Sariwa pa sa alaala ni congressman Zaldy na maraming Indonesian nationals ang nakapasok sa bansa at nakakukuha ng ‘pekeng’ Philippine passport para makapagbiyahe sa Hajj pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia.
Nabisto ‘yan nang mayroong mamatay sa Mecca at natuklasan na siya ay Indonesian national pero ang hawak niya ay Philippine passport.
Bukod diyan, sinabi ng mambabatas, hindi na dapat ipagwalang-bahala ang pagdagsa ng Indonesian nationals na may pekeng Philippine passports sa Mindanao, sa lugar na kinakitaan ng foreign fighters na lumahok sa 5-buwan pag-atake sa Marawi.
Sa huling ulat, mahigit sa 170 Indonesian nationals na may pekeng Philippine passports ang nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng General Santos patungong Maguindanao at Sultan Kudarat.
Ayon kay Mangudadato, sila ang mga parang interesadong tao o banyaga na nagsasanay ng Muslim Filipinos kaya umano mas lalong nasisira ang imahen ng ating mga kababayan at iyong mga kapatid nating mga Muslim.
Dahil diyan, hiniling ng mambabatas sa Department of Foreign Affairs na imbestigahan at sibakin ang mga sangkot sa pamemeke ng passports.
At ang unang hakbang umano para maiwasan ang pamemekeng ito, ibalik sa pasilidad o ahensiya ng pamahalaan ang pag-iimprenta ng passports hindi gaya ngayon na nasa pribadong sektor.
Ilang beses na nating kinuwestiyon sa kolum nating ito kung bakit nananatili sa APO-UGEC ang pag-iimprenta ng passports. Bakit hindi ito ibalik sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)?
Naniniwala tayo na nakapila na ito sa priority ng Department of Foreign Affairs (DFA). Hindi po ba Secretary Alan Peter Cayetano?!
Pakibalitaan po kami.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap