HINDI mo masusukat ang kahusayan ng isang aktres base sa mga lumalabas na press release o mga papuring alam na ninyo kung bakit. Hindi mo rin naman mapapalabas na magaling ka dahil nanalo ka ng isang award, dahil alam naman natin na rito sa atin may mga award na “nalalakad” kung hindi man “nabibili”. Hindi sa mga bagay na iyan nakikilala ang kahusayan ng isang artista dahil ano man ang sabihin, ang final arbiter pa rin ay ang publiko. Naniniwala ba sila na magaling ka?
Si Vilma Santos, bago pa man nanalo ng kanyang unang acting award, puwera siyempre iyong best child actress award na nakuha niya sa kanyang unang pelikula, ay kinikilala nang isang mahusay na aktres ng publiko, hindi lamang ng kanyang fans. Nanalo ng awards si Vilma, ilang beses pa nga siyang naka-grandslam, pero hindi nasabing “naglagay” siya o “nagbigay ng trip abroad” sa mga member ng mga award giving bodies para siya manalo. Hindi nasabing namigay siya ng pera para lang siya purihin ng press. Nakuha niya ang popularidad dahil sa suporta ng publiko, hindi lamang ng kanyang fans.
Si Hilda Koronel, hindi naman madalas magkaroon iyan ng publisidad. Kung sabihin pa nga nila noong araw, may pagka-supladita iyang si Hilda. Pero pinupuri ang kanyang acting, at hindi siya kailangang magregalo para gawin nila iyon. Nanalo rin siya ng awards, at hindi rin kailangang “maglagay” kasi nga magaling naman talaga siya.
Si Dawn Zulueta, sumikat iyang babaeng iyan nang hindi rin naman naglagay. Kaibigan namin iyang si Dawn ng napakatagal na panahon, pero ni minsan wala kaming nabalitaang kailangan niyang maglagay para magkaroon ng publisidad o manalo ng award.
Wala namang dahilan, napagkuwentuhan lang namin iyan dahil may mga naniniwala yata na kung “maglalagay” sila para manalo ng award ay made na sila. May naniniwala yatang magregalo ka lang nang magregalo susulatin ka ng lahat at sisikat ka na. In reality, sumikat ba?
HATAWAN
ni Ed de Leon