ITINATANONG natin ito kasi bigla na namang uminit ang isyu ng pangingisda ng mga Filipino sa Panatag Shoal matapos lumabas sa isang documentary report sa isang TV program, ang sapilitang ‘panghihingi’ o ‘pang-aagaw’ ng mga Chinese national sa huling isda n gating mga mangingisda.
Kaya marami ang nagtatanong, gaano na katagal na nagdurusa ang ating mga mangingisda?! Totoo bang mas mahirap ang buhay nila ngayon sa ilalim ng Duterte administration?!
Sino ba talaga ang sumira ng corals at coral reefs sa Panatag Shoal at sumaid sa mga higanteng taklobo sa nasabing bahagi ng Panatag Shoal?!
Heto pa ang isang tanong, noong panahon ba ni Noynoy ay nakapangingisda ang mga Filipino sa Panatag Shoal?!
Ang alam nating lahat, panahon pa ni Noynoy ay hindi na nakapangingisda ang mga kababayan natin,
Hindi ba’t noon ay naging ‘maingay at palaban’ ang paraan ng administrasyong Aquino ngunit mas nagdusa ang ating mga mangingisda?!
Mas pinakinggan ni PNoy noon ang bulong at payo ni Senador Antonio Trillanes IV noong nagkagirian sa Scarborough Shoal kaya nagsimula ang kalbaryo ng ating mga mangingisda.
Ang isa pang nakapagtataka, bakit parang biglang dumami ang mga politikong nag-aalala sa kabuhayan at kalagayan ng mga mangingisda?
Sa loob ng nakaraang limang taon, noong hindi pa nakapapasok ang ating mga mangingisda, naging ganoon ba kaingay ang magagaling na politiko?
May nangalampag ba sa nakaraang administrasyon na dagdagaan ang pondo para sa pagbili ng mga patrol ship at pagpaparami ng mga kagawad ng Coast Guard at Navy?
Naging agresibo ba noon ang gobyerno sa paghahanap ng solusyon para ayusin ang kondisyon ng mga bangka at ibang gamit sa pangingisda?
Sa bagong administrasyon, napatunayan natin na hindi padamihan ng protesta ang labanan o patapangan ng salita.
Sa totoo lang sa dami ng nag-iingay at nagmamarunong sa isyu mula sa hanay ng hudikatura, lehislatibo at pati ‘yung galing sa nakaraang administrasyon, mukhang dapat nating pakinggan ang mga sinasabi ng ating mga mangingisda.
Nagsalita sa Malacañang ang ilan sa kanila noong nakaraang linggo. Malinaw, seryoso at walang halong pambobola ang mensahe ng mga mangingisda.
Ayaw nilang magutom ang kanilang pamilya, mas maginhawa na ang kanilang pangingisda ngayon kompara noong mga nakaraang taon.
Oo dumaranas ang ilan sa kanila ng ‘pangingikil sa karagatan’ ngunit hindi ito kasing tindi ng karahasan kung tanggalan sila ng karapatang makapangisda ulit sa Panatag.
Humingi sila ng tulong sa gobyerno na ayusin ang problema nila at hindi gawing mas komplikado. Huling tanong: Sino ba ang mas masasaktan kung magkakagirian ulit sa Panatag Shoal?
Ano sa palagay ninyo mga suki?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap