ANG pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines o CPP ay tiyak na hindi magtatagumpay dahil na rin sa inaasahang gagawing paglabag ng NPA sa nakatakdang ceasefire nito sa military o AFP.
Ang muling pagbuhay ng peace talks na nakatakdang simulan sa Hulyo ay base sa direktiba ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Matatandaang ibinasura ni Digong ang peace talks noong Nobyembre dahil na rin sa sunod-sunod na pag-atake ng NPA sa hanay ng military, pangingikil o extortion at pagsunog sa mga ari-arian ng mga pribadong kompanya.
Matagal na nating sinasabing walang maaasahan ang pamahalaan sa pakikipag-usap sa CPP na pinamumunuan ni Jose Maria Sison. Taktika lamang ng CPP ang peace talks at ang tanging layunin nito ay malayang makapag-organisa at higit na makonsolida ang kanilang puwersa.
Matagal nang bangkarote ang “ideology” ng komunista sa Filipinas kaya nga nakapagtataka kung bakit pinatulan pa ito ni Digong. Sino kaya ang damuhong sumulsol kay Digong kaya muling nabuhay ang peace talks?
Ang pakikipag-usap kay Joma ng pamahalaan ay pag-aaksaya lamang ng pera, pagod at panahon. Sa mga susunod na buwan maraming dahilan at palusot na gagawin itong si Joma na sa kalaunan ay magbibigay daan para tuluyang maibasura ang usapang pangkapayapaan.
Kung tutuusin, ngayon pa lamang na hindi pa man din nag-uumpisa ang pormal na peace talks, ang dami nang binibitiwang maaanghang na pahayag si Joma kabilang ang kanyang mga kampon na leftist party-list representatives.
At para na rin sa kaalaman ni Digong, hindi lang iilan ang grupo ng NPA ang hindi na sumusunod sa mga kautusan ni Joma. Naniniwala silang wala na sa realidad si Joma lalo ang pananaw niya sa tunay na kalagayan ng “masa” sa mga kanayunan.
Kaya nga, hindi talaga magkakaroon ng magandang resulta ang peace talks dahil na rin sa paniniwala ni Joma na tanging sa madugong rebolusyon lang magkakaroon ng kalutasan ang problema ng Filipinas.
At hindi rin nangangahulugan na kung matuloy man ang peace talks, mapapahinuha ni Digong ang mga legal front organization ng CPP sa kanilang ginagawang mga kilos-protesta. Matuloy man o hindi ang peace talks, magtutuloy-tuloy pa rin ang mga pagkilos ng leftist organizations.
Ang nakauumay na salitang kapitalismo, burukrata kapitalismo, imperyalismo at iba pang “ismo” ay maririnig mo pa rin sa mga dogmatiko at bulag na miyembro ng leftist groups. Walang kapaguran na sumusunod sa mga utos ni Joma.
Uulitin lang natin, mali ang ginawa ni Digong na makipag-usap pa kay Joma. Matagal nang pinatatakbo ni Joma ang digmaang bayan sa Filipinas sa pamamagitan ng “remote control” mula sa The Netherlands.
Sabi nga, naging negosyo na ni Joma ang rebolusyon. Katunayan, milyonaryo na si Joma matapos kumita ng P1.2 milyon sa pamahalaan ng Filipinas.
Kawawang mga “kasama” hanggang ngayon ay bulag na sumusunod kay Joma.
SIPAT
ni Mat Vicencio