NAGHAHANAP ang European country ng daan-daang nurses para punuan ang bakanteng posisyon sa kanilang healthcare industry, ayon kay POEA administrator Bernard Olalia.
“Nagkukulang po kasi ang kanilang healthcare workers,” ani Olalia.
Aniya, ang interesadong nurses ay maaaring mag-apply sa pamamagitan ng POEA website o sa accredited private recruitment agencies.
Ang assistant nurses, o ang mga hindi pa pumapasa Sa Germany’s licensure examination, ay tatanggap ng starting salary na 1,900 euros o tinatayang P118,266.
Habang ang nurses na pumasa sa Germany’s licensure exam, ay tatanggap ng starting salary na 2,300 euros o tinatayang P143,165, dagdag ni Olalia.
Ang mga aplikante ay dapat pumasa sa German language proficiency test bago maging registered nurse, ayon sa opisyal.
Hinikayat niya ang mga interesadong magtrabaho sa Germany na i-tsek ang listahan ng POEA ng accredited recruitment agencies bago mag-apply upang makaiwas sa scams.
“Kapag po wala roon sa listahan, at hindi po nakalagay doon kung sino-sino ang mga empleyadong mag-represent doon sa agency na ‘yun, huwag po silang maniwala at hindi po ‘yun totoo,” paalala ni Olalia.
Tinatayang 480 Filipino nurses ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Germany.