ARESTADO ang 13 Nigerians na sangkot sa “love scam” na binibiktima ang mga Filipina sa Facebook at dating sites, sa pagsalakay ng mga awtoridad sa Imus, Cavite, kamakalawa.
Ayon sa ulat, pinasok ng Imus Police ang bahay ng target ng kanilang operasyon, agad pinadapa at pinosasan ang mga dinatnang Nigerian nationals na ang ilan, natutulog pa sa kuwarto.
Nagtangka pang magtago ang ilan sa mga dayuhan ngunit nahuli silang lahat.
Ayon sa pulisya, pumasok sa bansa bilang foreign students ang mga dayuhan noong nakaraang taon. ‘Yun pala, front lang nila ito para sa kanilang online fraud scam.
Nagpapanggap daw silang mga Amerikanong sundalo gamit ang mga pekeng Facebook accounts, saka naghahanap ng mga Filipina na mabibiktima sa Facebook o online dating sites.
Ang masaklap, may mga kasabwat umano silang mga Filipino.
Kapag ang target na Filipina ay nasa ibang bansa, agad daw ipinapasa ng Nigerians sa kanilang mga kasama sa sindikato sa bansang iyon.
Nakuha sa laptop ng mga suspek ang mga address at pangalan ng mga nabiktima ng sindikato.
Mayroong galing Iloilo, Cebu, Nueva Ecija, at Metro Manila na nabiktima gamit ang account na Putri Kevin.
Napaluhod at napaiyak sa takot ang sinasabing lider ng grupo nang makaharap ang matataas na opisyal ng PNP Region 4A at iginiit na wala silang alam sa bintang.
“I did not scam her, God knows I did not scam her,” saad ni Emmanuel Chinonso Nnandi.
Ngunit positibo silang itinuro ng mga complainant at mga dating nobya ng Nigerians na nagdiin sa mga suspek.
“Mahilig po kasi tayo mag-post ng mga selfie na mukhang may kaya kaya ‘pag alam nang may kaya, ‘yun ang tinatarget nila,” pahayag ni Chief Supt. Edwin Carranza, Regional Director ng PRO 4A.