SABI nga, kantiin mo na ang peklat ng nakaraan pero huwag ang alaala ng mga pumanaw.
At dito na naman sumalto si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson nang lapastanganin niya ang alaala ng yumaong Senador Benigno Aquino Jr.
Sa pagkakataong ito, pinupuna natin si Asec. Mocha at hindi na natin siya maipagtatanggol.
Simple lang naman sana ang puwede niyang sabihin gaya ng: “Walang nilabag ang Pangulo dahil hindi naman niya ipinilit ang halik na iyon sa nasabing OFW na asawa ng isang Koreano.”
O kaya naman, sabihin niyang, “Walang malisya iyon. Alam naman nating nagkakaroon ng pagbabago sa pagpapapraktis ng kultura ng paggalang at paghanga. Gaya ng pagmamano noon. Ngayon, may mga senior citizens na ayaw nang magpamano, ang gusto beso.”
Pero ‘yung hindi na naipagtanggol si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte tapos inupakan pa ang isang nanahimik na yumao, arayko!
May apoy na nga, bigla pang binuhusan ng gasolina. Ayan rumepeke tuloy si Ms. Kris Aquino.
Sabi ni Lois McMaster Bujold , “The dead cannot cry out for justice. It is a duty of the living to do so for them.”
Kaya hindi na tayo dapat magtaka kung bakit biglang lumutang at pumiyok si Ms. Kris.
Parang hindi na yata nag-isip si Asec. Mocha nang idamay ang halos mahigit tatlong dekada nang nananahimik na si Ninoy.
Aruy!
Marami nang lihim na kaaway at naiinggit sa Pangulo, sana’y huwag nang igawa ng kaaway ng mga taong pinagkatiwalaan niyang makatulong sa pag-ugit ng kanyang administrasyon.
At sana, bago bumuka ang bibig nitong si Asec. Mocha isama na natin si Presidential Spokesperson Harry Roque, paganahin muna ang mga utak nila, para maging lohikal naman ang mga bibitawan nilang salita.
Mabuti na lang at si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na ang humarap sa interbyu at nakapaglinaw nang maayos sa publiko kaugnay ng isyung ‘dampi-sa-lips’ ng Pangulo.
Inuuna kasing magsipsip ng iba riyan kaya nagiging emosyonal, kaysa mag-isip muna bago sagutin ang isyu.
Baka nalilimutan ng mga ‘tsuwariwariwap’ ng Pangulo, tagalinis kayo hindi dagdag kalat!
Isa pang dapat ninyong tandaan ang sinabi ni Harry Truman: “Learn to say nothing at all if good could not be said of a man.”
Kaya please lang, basa-basa rin kapag may time para naiintindihan ninyo kung ano talaga ang papel ninyo sa buhay.
Huwag ‘yung basta maka-epal lang.
Get’s n’yo?
PAGKAKARGA
NG GASOLINA
BANTAYAN
NG MOTORISTA
PAYONG biyahero o motorista lang po lalo na sa mga laging nagmamadali.
Kapag nagpapakarga ng gasolina o diesel tingnan mabuti ang metro at pagkatapos ay i-check ang inyong gauge kung nakargahan nga kayo ng gasolina o diesel.
Ilang kaibigan natin ang nakaranas na magpakarga ng gasolina, full tank, pero hindi naging metikuluso.
Aba humaharurot na siya sa highway nang mapansin niyang nangalahati agad ang karga niya. Kitang-kita sa gauge niya.
Wala namang tagas ang tangke ng gas kaya nagtaka siya kung bakit biglang kalahati na ang nasa gauge niya.
Ibig sabihin, masyado siyang nagtiwala at naging kampante noong nagkakarga siya ng gas.
May isa namang kaibigan natin, nagpakarga ng gas pero huli na nang matuklasan niyang puro hangin ang lumabas sa hose.
Ay sus!
Kaya paalala lang po natin sa mga motorista, magbantay kapag nagpapakarga ng gasolina o diesel, otherwise mabubutas ang bulsa ninyo lalo na ngayong hindi mapalagay at napakaligalig ng presyo ng langis.
Ingats!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap