MAGUINDANAO – Umabot sa 673 alagang hayop ang namatay sa flash flood sa bayan ng Sultan Mastura, nitong Sabado.
Sa tala ng Municipal Agriculture Office ng Sultan Mastura, maraming namatay na mga hayop nang umapaw ang Simuay River dahil sa matinding buhos ng ulan.
Kabilang dito ang 117 baka at kalabaw; 134 kambing at tupa; at 422 manok at itik.
Mayroong mga nakita sa gilid ng daan at ang iba ay natagpuan nang humupa ang baha.
Ayon kay Ibrahim Alimpang, municipal agriculturist ng Sultan Mastura, malakas umano ang agos ng tubig-baha.
“Kaya maraming namatay na baka kasi iba, mahina sa malamig ‘pag nag-submerge sila. ‘Di sila tatagal kasi maninigas, mag-weak, halos ‘di na makatayo,” aniya.
“Nangyari ang baha hatinggabi… Nag-subside 4:00 ng umaga. ‘Di na kaya sagipin kasi pati mga bahay nila affected, ‘di expected ng mga tao na mangyari.”
Bukod sa mga namatay na hayop, nasa 35 bahay ang nasira dahil sa baha. Karamihan ay malapit sa ilog.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Sultan Mastura, limang barangay rin ang apektado ng baha. Kabilang dito ang Brgy. Solon, Tariken, Kirkir, Namuken at Simuay Seashore.
Nagpapatuloy ang assessment ukol sa kabuuang halaga ng pinsala ng flash flood.
Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), higit 1,000 pamilya o 6,000 indibiduwal ang apektado ng baha.
Ang pagragasa ng baha ay bunsod ng malakas na ulan dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone.