SASALUBUNGIN ng ulan ang mga estudyante sa pagbubukas ng klase sa mga paaralan ngayong Lunes dahil sa low pressure area o namumuong bagyo sa east coast ng bansa, ayon sa weather bureau kahapon.
Ang weather system ay sinasabing maaaring lumakas bilang bagyo sa susunod na 24-oras at tatawaging “Domeng” kapag nakapasok sa Philippine Area of Responsibility, ayon kay PAGASA meteorologist Ezra Bulquerin.
Ang Palawan, Mindoro at western sections ng Visayas at Mindanao ay makararanas ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan hanggang ngayong Lunes, ayon sa PAGASA.
Ang nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay magkakaroon ng katamtamang pag-ulan habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng mainit na panahon na may kasamang malakas na pag-ulan dakong hapon at gabi, ayon sa weather bureau.
Dakong 3:00 am nitong Lunes, ang low pressure area ay namataan sa 390 kilometers east ng Surigao City.
Isa pang LPA, na lumabas ng PAR nitong Sabado, ang lumakas bilang tropical depression, ngunit hindi na makaaapekto sa bansa, ayon sa PAGASA.