NASAKOTE ng mga operatiba ng Taguig City police station ang isang babaeng kabaro at dalawang iba pang kasama habang bumabatak ng hinihinalang shabu, nitong Sabado.
Kinilala ang nadakip na si PO3 Lyn Tubig, 38-anyos, nakatalaga sa 44th Battalion sa Camp Bagong Diwa, at ang kaniyang boyfriend na si John Vincent German, 21, at ama ng huli na si Fernando German.
Kinompirma ni National Capital Region Police Office chief, Chief Supt. Guillermo Eleazar na isa mga nahuli ay aktibong pulis na miyembro ng Special Action Force at may ranggong Police Officer 3.
“Nalulungkot tayo na mayroon tayong kasamahan na babae pa man din na involve sa droga,” aniya.
“She has been in the service for 11 years, recruited ng Special Action Force, 38-years old and presently assigned at the Force Support Battalion based in the national headquarters ng Special Action Force in Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.”
Sinabing nahuli ang tatlo sa aktong nagsa-shabu session.
“May reported theft so may complainant na lumapit sa ating ka[pulis]an para magpatulong. During the follow-up, mayroon silang nakitang tumatakbo na may dalang baril. Sinundan nila ito ngayon hanggang mapunta sa lugar kung saan nakita nila ang tatlo na nagkakaroon ng pot session,” kuwento ni Eleazar.
Kasamang nakompiska sa kanila ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, 41 piraso ng iba’t ibang mga bala, at isang replika ng baril.
“Walang lugar o puwang sa ating organisasyon ang sinomang abusado o pulis na na-involve sa anomang illegal activities, lalong-lalo sa ilegal na droga,” ani Eleazar.
Iniimbestigahan din kung totoo ang impormasyong sangkot sa ilang insidente ng panghoholdap ang tatlong suspek.
Todo hingi ng paumanhin ang babaeng pulis sa kaniyang mga kabaro.
“Humihingi po ako ng tawad, saka sa unit ko po hindi ko po kayo gustong siraan. Ayaw ko pong madawit kayo sa kaso pasensiya na po hindi ko po gustong madawit kayo,” ani Tubig.
Bukod sa kasong kriminal na isasampa laban sa kanila, nahaharap rin ang babaeng pulis sa kasong administratibo.