BAGAMAN maliwanag na may katuwiran si President Duterte sa pag-iwas na makagawa ng hakbang na puwedeng ikagalit ng China para makipagdigmaan sa ating bansa, sa pananaw ng marami ay nagpapakita ang Pangulo ng labis na kahinaan sa kanyang ginagawa.
Ayon sa Pangulo ay hindi niya kakayaning pumasok sa digmaan kung hindi siya magwawagi at magreresulta sa pagbubuwis ng buhay ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pero wala bang magagawa ang bansa kundi hayaan ang hayagang pananamantala ng China sa teritoryo na nasasakop ng Filipinas?
Marahil ay dapat bawas-bawasan ng Pangulo ang pagbibigay ng pahayag na agad niyang inaamin ang pagkatalo at pagtanggap na hindi kakayanin ng Filipinas ang pumasok sa gulo at makipagdigmaan sa China. Pinalalakas lang ni Duterte ang loob ng China sa mga naturang pahayag upang ipagpatuloy ang pag-angkin at paggawa ng mga itinatayo nila sa ating teritoryo.
Sa halip, makipag-alitan ay kailangan palakasin ni Duterte ang pakikipag-ugnayan sa Amerika at ipagpatuloy ang pagsasagawa ng joint patrols sa pagitan ng militar ng Filipinas at United States. Dapat din natin hilingin sa Amerika na ideklara na ipagtatanggol nila ang ating karagatan sa mga mananakop alinsunod sa tratado ng dalawang bansa na nilagdaan noong 1951 na nagsasaad na susuportahan natin ang isa’t isa sakali mang sinalakay tayo ng ibang bansa.
Tiyak na magdadalawang isip ang China at mababawasan ang kanilang tapang kapag nakita nilang kasama natin ang Amerika sa pag-aasikaso ng mga suliranin kaugnay ng ating teritoryo.
Ayon kay Senior Associate Justice Antonio Carpio, isa sa mga naghanda ng matagumpay nating arbitration case laban sa China, dapat tayong mag-file ng malakas at pormal na protesta laban sa mga itinatayo ng China sa ating teritoryo. Ito ang ginawa ng Vietnam nang magpadala ang China ng cruise tours sa pinagtatalunang Paracels.
Kailangan atasan ang Philippine Navy na magpatrolya sa Scarborough Shoal. Kung sasalakayin ng China ang ating barko ay puwedeng tawagan ni Duterte ang Amerika upang maipatupad ang tratado.
Puwede rin hilingin ng Filipinas na ideklara ng Amerika na ang Scarborough Shoal ay bahagi ng teritoryo ng bansa para sa tratado tulad nang ideklara ng US ang Senkaku na parte ng teritoryo ng Japan para sa tratado nila sa Japan.
May nagtatanong kung dapat sundin ang hangarin ni Duterte na umiwas sa digmaan? Maaalalang marami tayong ninuno na nagbuwis ng buhay para ipaglaban ang kalayaan. Naalala ko tuloy ang bahagi ng Pambansang Awit na nagsasabing “…Sa manlulupig ‘di ka pasisiil…” at “…Ang mamatay nang dahil sa iyo.”
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.