IIMBESTIGAHAN ng Department of Justice ang city prosecutor ng Parañaque na humahawak sa kasong estafa laban sa Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada dahil sa pagli-leak ng mga resolusyon ng kanyang ‘kabit’ na Koreana.
“I will look into this matter as soon as possible. Premature disclosure of orders and resolutions prior to official release is not allowed unless there are compelling reasons that would sufficiently justify the same,” ani Justice Secretary Menardo Guevarra kahapon.
Sinasagot ni Guevarra ang mga ulat na posibleng maharap si City Prosecutor Amerhassan Paudac sa kasong administratibo at kriminal dahil sa ‘bias and gross partiality’ dahil sa paglalabas ng mga resolusyon kahit hindi opisyal na inire-release ng kanyang tanggapan at ito ay nai-post noong May 18 sa Instagram at Facebook account ni Chloe Kim na kilala bilang ‘syota’ ni Okada.
Hiniling ng Tiger Resorts Leisure Entertainment Inc., kay Paudac na bumitaw sa kasong estafa na hinahawakan ng kanyang tanggapan matapos mapag-alaman noong May 21 na walang resolusyon na nagbabasura sa nasabing kaso ang nakahandang ma-release.
“As city prosecutor, (he) is expected to manifest such degree of impartiality, which should not be tainted by scintilla of doubt,” ayon sa TRLEI.
Sa kanyang mga social media account, inilabas ni Kim ang mga retrato ng dispositive at signature na bahagi ng mga naturang resolusyon na nagbabasura sa dalawang kasong estafa laban kay Okada at iba pang opisyal ng TRLEI na may mga katagang, “Devils will go the hell soon! 2 estafa cases against Kazuo Okada of Okada Manila dismissed. Justice prevails.”
Sinabi ng TRLEI na isang malaking iregularidad kung paano nagawa ni Kim na hindi naman partido sa kaso na magkaroon ng kopya ng mga resolusyon kahit pa noong May 18.
Bilang approving authority, si Paudac ang huling tagapirma sa resolusyon, ayon sa TRLEI.
”Thus, logic dictates that the resolutions disposing the captioned cases could not have been leaked to respondent Kazuo and/or his close companion without the participation and/or fault of City Prosecutor Paudac,” pahayag ng TRLEI.
Ang TRLEI ang complainant sa kasong estafa na nakabinbin ngayon sa Parañaque Prosecutor’s Office na inakusahan si Okada ng pagwawaldas ng mahigit US$10 milyong pondo ng naturang kompanya sa pagitan ng early 2016 at June 2017.
TRLEI din ang may-ari at operator ng marangyang Okada Manila sa Entertainment City, Parañaque na si Okada ang dating chief executive officer bago siya pinatalsik ng karamihan sa shareholders ng nasabing kompanya.
Inakusahan ng TRLEI si Okada ng illegal disbursement ng company funds na umaabot sa mahigit US$3 milyon para umano sa kanyang consultancy fees at salaries sa kanyang isang buwang tenure bilang CEO.
Naharap si Okada sa mga kasong kriminal dahil sa paglabag sa Anti-Dummy Law sa DOJ na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) noong panahon ng nakalipas na administrasyon. Ngunit hindi naresolba ang kaso at napabalitang ibinalik ito sa NBI para muling maimbestigahan.
Bukod sa mga kaso na nakasampa sa Filipinas, si Okada ay nahaharap din sa ilang kaso sa South Korea, Hong Kong at Tokyo, Japan. (HNT)