NAKALATAG raw sa mesa at naghihintay na lamang ng pirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano para maaprobahan ang isang malaking ‘raket’ na maisapribrado ang pagkakaloob ng visa para sa mga dayuhang Intsik na makapasok sa bansa.
Ang panukala ay nakapaloob umano sa “Proposal to Outsource Visa Processing for Chinese Tourists” na isinumite sa tanggapan ni Cayetano bago pa masibak si dating Sec. Wanda Teo sa Department of Tourism (DOT).
Si Teo ang umano’y ‘ninang’ na nagrekomenda sa maanomalyang kasunduan na isinumite ng Shanghai Ever Bright Town International Travel Service Co. Ltd. (SEBTITSCL) sa DFA.
Pinangangambahan na posibleng malagay sa panganib ang seguridad ng bansa oras na maaprobahan ang kasunduan na isalin ng DFA sa pribado at dayuhang kompanya ang pagkakaloob ng visa sa mga Intsik mula sa China na dati ay kabilang sa mga itinuturing na restricted nationality.
May ulat din na ang kompanyang SEBTITSCL na rekomendado umano ni Teo ay dati nang nasangkot sa malaking sindikato ng credit card scam.
Marami talagang ‘matatalino’ at ‘magagaling’ at ‘pangkalawakan’ ang imahinasyon na mabilis umimbento ng raket na pagkakaperahan.
Ang inimbentong raket ay kesyo dahil daw sa bumubuting relasyon sa pagitan ng Filipinas at Tsina na nagresulta sa pagdami ng mga turistang Intsik na pumasok sa bansa.
Ginamit nila ang mga estadistika na kesyo umabot daw sa 900,000 ang turistang Intsik sa bansa noong 2017 at hindi malayo sa inasahan ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na 1-M ang turistang pupunta sa Filipinas sa 2017.
Sa taong 2018, aabot daw sa mula 1-M hanggang 2-M ang bilang ng mga turistang Intsik kaya’t naging sanhi ng pagdagsa ng mga Intsik na gustong makakuha ng tourist visa.
Sa ulat daw mula sa Philippine Embassy sa China noong unang bahagi ng 2017, tumaas umano ang bilang ng mga nag-a-apply ng visa mula sa 400 kada araw hanggang 1,400 kada araw at inaasahang tataas pa sa 2018.
Inimbento ng mga damuho ang raket na visa outsourcing batay sa tumataas ‘daw’ na bilang ng mga turistang Intsik na pumapasok sa bansa.
Para maiswak ang raket, ginagawa nilang malaking problema ang paglaki ng bilang ng mga turistang Intsik at ang simpleng issuance ng visa ay hindi makakayanang gampanan ng mga konsulado natin sa China dahil sa kakulangan ng tauhan.
Aba’y, para na rin ipinamigay nang libre ang ating kasarinlan bilang isang bansa kung ultimo pagkakaloob ng visa ay ipauubaya na lang basta ng DFA sa mga dayuhang Intsik.
Kapag natuloy ang raket, tiyak na habang panahon ay mistulang namumulot lang ng pera si Teo kahit sibak na siya sa puwesto ay tiba-tiba pa rin, ‘di ba!
Pero ang masama ay parang binasbasan na rin ng gobyerno ang mga katarantadohan na posibleng mangyari kapag napasakamay ng pribado at dayuhang SEBTITSCL ang pangongolekta ng bayad sa visa.
Bago pa man siya naitalaga ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na kalihim sa DOT ay dati nang sangkot sa travel agency business si Teo.
Sa madaling sabi, hindi malayo na madale ang monopolyo sa raket ng nakababahalang visa outsourcing, lalo’t mahabang taon ang bibilangin kapag nalagdaan ang kontrata sa pagitan ng DFA at SEBTITSCL.
Kaya naman nakahahabag ang mga mamamayang ka-DDS na todo ang pagpapakamatay sa katatanggol sa pangulo na hindi na nga nagkakapera ay biktima pa ng pagtaas ng mga bilihin.
‘Buti pa ang mga pabigat na bagahe ni Pres. Digong ay masasaya dahil tanggal lang sa puwesto ang pinaka-parusa nila kahit magnakaw.
Harinawa ay makarating naman sa kaalaman ni Pres. Digong ang malaking scam na naghihintay na lang mapirmahan ni Cayetano.
Abangan!
KALAMPAG
ni Percy Lapid