“BAKIT pati mga anak ko idadamay nila kung nagagalit sila sa kung sino man ang gumawa ng anomalya? Ano kinalaman ng mga anak ko sa mga bagay na iyon? Walang naging pakinabang ang mga anak ko roon. Alam ninyong lahat iyan, simula noong makipaghiwalay ako sa asawa ko, ako na ang sumuporta sa mga anak ko. Kaya wala akong tigil sa trabaho eh. Kasi ako I want the best for my children, at nakikita ko kailangang magsikap ako para maibigay ko iyon sa kanila on my own.
“Maski na nga iyong tuition fee nila sa eskuwelahan na inutos ng korte na ibigay sa kanila hindi naibibigay eh. Kailangan ako pa rin ang bumalikat niyon, eh hindi naman biro-birong gastos iyon dahil alam naman ninyo kung saang eskuwelahan pumapasok ang mga anak ko. Gusto ko namang mai-maintain iyon dahil matatalino ang mga bata. Lagi silang may honor. Kaya natural kung ano ang kailangan nila sa pag-aaral nila, dapat naman makuha nila.
“Last year nagkaroon kami ng problema. Noong maghiwalay kami, may isang lumang van na ibinigay niya para magamit ng mga bata pagpasok sa eskuwelahan. Muntik nang madesgrasya ang mga anak ko dahil biglang nawalan ng preno. Ang laki-laki ng nagagastos ko sa repair pero ang sabi niyong gumagawa talagang luma na at marami ng sira. Sabi ko nga sana mapalitan naman iyon dahil delikado na sa mga bata. Hindi rin naman napalitan, kaya ako na bumili ng sasakyan para maging safe naman ang mga anak ko, at ipinasauli ko na ang sasakyang ipinahiram lang naman sa kanila.
“Kung sa bagay blessing in disguise eh, hindi sila binigyan ng sasakyan. Baka kung nangyari iyon lalo lang silang laitin at sabihing may dugo silang magnanakaw. Talagang uminit ang ulo ko noong makita ko iyon. Inosente sa mga ganoong bagay ang mga anak ko, tapos sasabihin nila may dug ng magnanakaw? Wala akong pakialam kung kanino man sila galit o kung ano man ang bintang nila, pero huwag nilang idadamay ang mga anak ko dahil hindi tama iyon,” sabi ni Sunshine Cruz sa amin na halatang masamang-masama ang loob habang nagkukuwento.
“Iyong anak ko rin nga idinadamay sa mga usapang ganyan eh. Eh ano ang kinalaman ng anak ko. Simula nang ipanganak ko si Diego, hanggang sa ngayon, ako ang naghahanapbuhay para sa anak ko at wala siyang natatanggap na ano man mula kanino man. Ang pera niya ay pinagpaguran niya dahil sa trabaho niya at kung ano ang iba pang kailangan, ako ang nagbibigay niyon.
“May ilang panahon na pinayagan muna siyang tumira sa bahay ng tatay niya, pero matagal na iyon. Pinaalis din siya roon noong ‘kailangan’ na nila ang bahay. Unfair sa mga bata ang inaabot nila ngayon dahil sa maling hindi naman sila ang gumawa,” sabi naman sa amin ni Teresa Loyzaga.
Masisisi ba ninyo ang dalawang nanay kung magalit?
HATAWAN
ni Ed de Leon