ARESTADO sa mga awtoridad ang isang nagpakilalang engineer dahil sa sinabing pag-iisyu ng tumalbog na tseke sa kasama niya sa negosyo, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng pulisya, kalaboso si David Asuncion nang ireklamo ng kasosyo niya sa negosyo dahil sa pagbibigay ng anim na ‘talbog na tseke.’
Sinabi ng biktimang si alyas Venny, inalok siya ni Asuncion na mamuhunan sa isang construction project.
Naengganyo umano ang biktima na mamuhunan ng higit P1 milyon dahil sa alok ng suspek na buwanang kita na P20,000.
Dagdag ni alyas Venny, maibabalik umano ang ipinuhunan niya sa loob ng anim na buwan.
Lumipas ang ilang buwan, wala umanong bumalik na pera sa biktima.
“Ang pangako niya maganda…nakalulungkot na hindi kumita, natangay pa niya ‘yung aking pera,” ani Venny. Nakasarado na umano ang bank account ni Asuncion.
Hinihikayat ng Obando police sa Bulacan na lumapit at maghabla ang mga posibleng nabiktima ni Asuncion.
Mahaharap si Asuncion sa kasong paglabag sa bouncing checks law.