APROBADO na sa Bicameral committee ang national ID system na tatawaging Philippine Identification System (PhilSys).
Ito po ‘yung pagsasanib ng lahat ng identification cards na ginagamit ng bawat mamamayan.
Marami ang nagsasabi na mapanganib ito at posibleng makompromiso ang seguridad ng isang tao.
Pero mayroon din tayong naririnig na mas gusto nila ito para hindi sandamakmak na IDs ang hinahanap sa kanila ng iba’t ibang institusyon o ahensiya ng gobyerno.
Hindi ba’t kapag nagbukas ng bank account, ang hahanapin agad, dalawang gov’t issued ID?!
Mayroon din tayong voter’s ID, pero hanggang mag-eleksiyon na hindi pa rin nakikita at nagagamit ng constituents.
May postal ID rin na kapag kumuha ka e gagastos nang mahigit sa P500. Pero kapag ipinakita mo sa isang ahensiya, hahanapan ka pa ng ibang ID.
O ‘di ba?
Kasama na rin kaya riyan ang Senior Citizen ID at PWD ID?
Sa ganang atin, mas mabuti na’ng isang ID na lang ang gamitin ng bawat Filipino.
Sabi nga, mas simple mas walang hassle.
Sana lang ay hindi ito matulad sa plaka at lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) na nabitin nang ilang panahon dahil sa pagtuturuan ng iba’t ibang ahensiya.
Wish lang natin na maging maayos ang implementasyon ng PhilSys.
For the meantime, let’s keep our fingers crossed…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap